TILA wala nang pag-asang maaprobahan ng Korte ang petisyon nina Sen. Jinggoy Estrada at Bong Revilla na makapag-piyansa kaugnay ng kanilang kinakaharap na kasong plunder.
Ang masakit pa niyan, pati ang airconditioning unit sa kanilang detention cell sa Camp Crame ay inalis na.
Mas masuwerte sa kanila si dating Presidente na ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahil binigyan ng Christmas furlough kahit man lang ilang araw. Pinayagan siyang makapiling ang pamilya sa kanilang tahanan sa La Vista ng Sandiganbayan mula sa kanyang hospital arrest sa Veterans Memorial Hospital.
Ayon sa isang Kongresistang malapit kina Jinggoy at Bong, magtitiis na ngayon nang walang aircon ang dalawang nakakulong na Senador. Electric fan na lang ang gagamitin nila para mapreskuhan ng bahagya. Buti na lang at Disyembre pa at malamig ang panahon. Pero paano pag dumating na ang panahon ng tag-init? Tiyak ko na hindi sanay ang dalawang Senador na ito na walang aircon.
Sa ngayon, may mga pressures pa mula sa ilang sektor na ilipat na sa ordinaryong kulungan ang mga nakakulong na senador.
Sabagay, hindi masisisi ang mga opisyal sa Crame. Palagay ko, kung sila ang tatanungin ay may awa silang nadarama sa dalawang Senador. Pero hindi sila puwedeng magdesisyon na bigyan sila ng kahit bahagyang ginhawa. Sila rin ang mapuputukan kapag nagkataon.
Itanggi man ng administrasyon, may bahid ng politika ang lahat ng kasong ito. Kahit ordinaryong mamamayan ay alam ito, at talagang ganyan ang politika. Naranasan na iyan mismo ng dating Pangulo na ngayo’y alkalde ng Maynila na si Joseph Estrada na matapos ang matagal-tagal ding pagkapiit ay pinalaya rin at ngayo’y naging Mayor pa.
Hindi sa dumedepensa tayo sa dalawang Senador na ito pero sana, sana lang, yung kaunting ginhawang maibibigay ay ibigay sa kanila. Tutal, hindi pa naman sila nahuhusgahan ng Korte na nagkasala.