^

PSN Opinyon

Demandang hindi natanggap

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

DAHIL sa hindi pag­babayad ng mag-asawang Ted at Risa ng mga patuka ng manok na umaabot na sa P353,500, idinemanda sila ng MAC – supplier ng feeds noong Hunyo 21, 2000. Hiningi ng MAC sa korte na pabayaran sa mag-asawa ang P353,500, pati interes, P60,000 na gastos sa abogado at pati lahat ng gastos sa asunto. Ayon sa reklamo, ang nakasaad na tirahan ng mag-asawa kung saan maipa­padala ang mga sulat (summons) ng korte ay sa manukan nila sa Barangay Kalayaan, Gerona, Tarlac at sa tirahan nila sa Quezon City —230 Apo Street Sta. Mesa Heights.

Noong Setyembre 17, 2000, pumunta sa 230 Apo Street ang kinatawan ng korte na si Tino upang ipatanggap ang summons ng korte. Ang tatay ni Ted ang nakausap ni Tino at sinabihan siya sa Tierra Pura Subdivision, Tandang Sora, Quezon City nakatira ang mag-asawa. Kahit ibinigay na sa kanya ang tamang tirahan ng mag-asawa, pumunta pa rin si Tino sa manukan sa Barangay Kala­yaan, Gerona, Tarlac. Nalaman niya na matagal na palang nailit ang lupa at hindi na nakatira roon ang mag-asawa. Noong Set­yembre 26, 2000, pumunta si Tino sa Tierra Pura Subdivision, Quezon City at walang paliwanag na iniwan ang summons ng korte sa hipag ni Ted na si Vicky at hindi sa mag-asawa. Katiba­yan ay ang pirma ng hipag sa sulat.

Hindi nakasagot sa reklamo sina Risa at Ted. Dineklara ng korte na wala na silang karapatan pa sa kaso at hina-yaan na solong maghain ng ebidensiya ang MAC. Noong Hunyo 27, 2001, nagd­e­sisyon ang korte pabor sa MAC. Pinagba­bayad ang mag-asawa ng P353,500, 6 % interes at P30,000 na gastos sa abogado.

Noong Nobyembre 10, 2004, ipinatupad ng korte ang na­sabing desisyon sa bisa ng isang writ of execution. Natang­gap ng mag-asawa ang kopya ng kautusan ng korte mula sa kanilang biyenan noong Disyembre 13, 2004. Noong Enero 6, 2005, nagpetisyon sila upang ipawalang-bisa ang nasabing desisyon at ang kautusan na nagpapatupad.

Ayon sa mag-asawa, hindi naman sila nasakop ng ka­pang­yarihan ng korte dahil hindi naman tama ang paraan ng pagpa­padala ng summons sa kanila. Walang basehan at mas­yado pang maaga ang ginawa ng kinatawan ng korte na pagbibigay at pag-iiwan ng sulat kay Vicky at hindi sa kanila. Dapat na dinek­lara muna ng kinatawan ng korte na nabigo ito na personal na maibigay ang summons sa mag-asawa sa loob ng takdang oras. Hindi rin niya sinabi kung bakit imposibleng maibigay ang sulat sa bahay ng mag-asawa sa Tierra Pura Subdivision. Panghuli, hindi dineklara ng kinata­wan ng korte na si Vicky ay nasa hustong gulang, tamang pag-iisip at nakatira sa bahay ng mag-asawa sa Tierra Pura. Tama ba ang mag-asawa?

TAMA. Ang tinatawag sa batas na “substituted service of summons” ay maaari lamang kung 1) imposible na maibigay ang summons sa kinakasuhan sa loob ng sapat na panahon, 2) ginawa ng kinatawan ng korte ang lahat ng paraan upang ma­hanap ang taong kinakasuhan, 3) ang summons ay ibinigay sa isang taong may hustong gulang at tamang pag-iisip, 4) ang taong pinagbigyan ng sulat ay nakatira sa bahay ng kina­kasuhan at 5) inulat ng kinatawan ng korte sa return of service ang mga impormasyon at sirkumstan­siya kung bakit imposible ang personal na pagbibigay ng summons sa kinakasuhan.

Sa kasong ito, walang pruweba sa return of service na 1) imposible na personal na matanggap nina Ted at Risa ang summons sa loob ng sapat na panahon, 2) na nasa hustong gulang at tamang pag-iisip si Vicky na siyang tumanggap sa sulat, 3) na nakatira si Vicky sa bahay ng mag-asawang Ted at Risa. Lumalabas na talagang hindi nasakop ng kapangyarihan ng korte ang mag-asawa. Hindi sila sakop ng desisyon ng korte na may petsang Hunyo 27, 2001 at ng kautusan na nagpapatupad nito na may petsang Nobyembre 10, 2004 kaya’t nararapat lamang na isantabi ang mga ito at ipawalang-bisa. (Spouses Galura vs. Math Agro Corporation, G.R. No. 167230, Aug. 14, 2009).

ASAWA

KORTE

MAG

QUEZON CITY

RISA

SHY

SUMMONS

VICKY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with