Gampanan ang katungkulan

HINDI pa natatapos ang kuwento ng tatlong mahistrado ng Sandiganbayan 5th Division na nagtangkang pumiglas sa kanilang sinumpaang katungkulan. Sa pamamagitan ng pagsulat sa buong Sandiganbayan ay humingi sila ng permiso upang magbitiw sa pag-upo bilang hukom sa kaso ni Senador Jinggoy Estrada.

Medyo mahirap intindihin ang ginawang hakbang ng tatlo. Karaniwan na ang paghingi ng self-disqualification ng mga miyembro ng Hudikatura kapag malinaw na may conflict of interest sa pagdinig nila sa kaso. Subalit ang kadalasang anyo ng ganitong disqualification ay may isa sa mga nakaupo na bibitiw – dahil kamag-anak ang sangkot o di kaya’y dahil may pinansyal na interes o baka siya mismo ang nagdesisyon sa ibaba at inakyat lang sa kanila para repasuhin. Kapani-paniwala na mayroong ganitong sitwasyon.

Ang mahirap paniwalaan ay kung ang buong dibisyon ang sabay sabay hihingi ng permisong magbitiw. Sino ang hindi magtataka at maghihinala na may malalim na dahilan para magpasya sila ng ganito?

Ang idinahilan ay personal reasons daw. Sa totoo lang, wala kang mahahanap na simpatiya saan mang lupalop ng mundo sa isang hukom na tatalikuran ang sinumpaang katungkulan para lamang sa ganito kamisteryosong dahilan. Kailangan pa bang ipaalala sa kanila na kritikal ang kanilang papel sa paghatid ng hustisya at kaayusan sa lipunan? Kung lahat ng ating mga mahistrado ay papayagang talikuran ang obligasyon ay kukulapso ang ating justice system. Ayon nga kay Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang, kahit death threat ay hindi katanggap tanggap na dahilan upang humiling na magbitiw.

Kung kaya biglang nagiging kapani-paniwala ang kuro kuro ng mga inside sources na ang kanilang sabayang pagtindig ay sa katotohanaý pagkasuya sa hindi makatwirang panghihimasok ng ibang partido. Ang hinala nga ay mismong impluwensya ng Palasyo ang naging mitsa.

Ang Kongreso ay magtatakda ng imbestigasyon para alamin ang puno’t dulo ng hindi maispelling na kabanatang ito. Tama lang ito nang mabigyang kasagutan ang kalituhan ng lipunan.

 

Show comments