MATAGAL nang hinihintay ng mga magsasaka ng niyog ang kontrobersyal na Coco levy fund. Ito ’yung bilyones na pondo na inilalaban nila sa pamahalaan.
Isa ako sa mga nagsasalita sa media sa kapakanan ng mga pobreng magsasaka sa pamamagitan ng aking programang BITAG Live. Taong 2012 pa, usap-usapan na ang paglalabas ng pera sa P72 bilyones na natenggang Coco levy fund.
Nitong nakaraang dalawang linggo, naging laman ng balita ang ginawang pagmartsa ng coconut farmers patungong Malakanyang. Nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig.
Dahil wala pang batas hinggil dito, nangako si PNoy na mag-iisyu muna siya ng Executive Order (EO) kung papaano mabilisang mailalabas at mapapakinabangan ang humigit-kumulang P3 bilyong interes ng P72 bilyon.
Hiwalay ito sa milyones na pondo ng Philippine Coconut Authority (PCA) na nasa ilalim ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Kiko Pangilinan.
Subalit, nitong mga nakaraang araw, naglabas ng pahayag si Sec. Pangilinan. Hindi pa daw niya matiyak kung kailan mailalabas ang EO na ipinangako ni PNoy.
Hindi pa niya sigurado kung mapipirmahan ito ngayong taon. Nirerebyu pa daw ni Executive Sec. Paquito Ochoa ang draft ng EO na ginawa nila simula pa noong Hulyo.
Ilang araw nalang, matatapos na ang 2014. Malamang sa malamang hindi na ito aabot ngayong Disyembre. Parang lumalabas, huwag na itong asahan pa bagkus sa 2015 na lang kung kailan malapit na ang eleksyon.
Tipikal na estratehiya ito sa pulitika para magbigay at mag-iwan ng tatak sa publiko. Pero para magmukha pa ring lehitimo, idadaan sa mga program, activity and project o PAPS ng gobyerno.
Kaya patuloy na paalala ng BITAG Live, bantayan ang bawat kaganapan hindi lang sa iyung ito kundi maging sa lahat ng mga inilulunsad na PAPS na may kaakibat na pondo.
Baka kasi mapunta ito sa mga rehiyon kung saan ang senador, kongresman at mayor ay kulay dilaw. Kapag hindi naamoy at nakita ni Juan at Juana Dela Cruz, laging nagkakaroon ng puwang ang mga tiwali na magnakaw sa pera ng taumbayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.