SA lugar kung saan dalawang ilaw ng mga sasakyan ang nagsisilbing mga mata sa daan, ugaliing lumingon kaliwa’t kanan bago makipag-patintero sa humaharurot na mga sasakyan… kung hindi kasama kang lalamunin ng dilim.
“Pabalik na sana siya ng barracks…lumabas siya para magpa-load pero bago tuluyang makatawid nasapul na siya ng rumaragasang dyip,” kwento ni ‘Jean’.
Mula Valenzuela City, nagsadysa sa amin si Jean Tataro Tormes, 39 na taong gulang. Dalawang buwan na raw hinahanap ng pamilya Tataro ang hustisya sa sinapit ng kapatid na si Ricardo Tataro Jr. o “Lapon”—36 anyos.
“Bumubula ang bibig na may kasamang dugo at wala ng malay. Ganito ko na dinatnan si Lapon sa ospital,” pagsasalawaran ni Jean.
Tubong Bicol sina Jean, labing isa silang magkakapatid. Lahat sila may sari-sarili ng pamilya. Mula ng makapag-asawa si Jean sa Valenzuela na siya tumuloy.
Sa Maynila rin nagtrabaho si Lapon bilang welder sa 5R Construction Corporation sa Quezon City. Sa iba’t-ibang lugar siya nadedestino. Nitong huli sa site sa Carmona, Cavite siya napunta. Naiwan naman sa Bicol ang asawa ni Lapon at tatlo niyang anak.
“Nagpapadala na lang siya ng pera. Minsan sa tatlong buwan lang siya kung umuwi pero araw-araw tumatawag siya sa mag-iina niya pagkatapos ng trabaho,” sabi ni Jean.
Alas siete ng umaga hanggang 4:00PM ng pasok ni Lapon pagkatapos nito libre na ang kanyang oras sa kanilang barracks.
Ika-27 ng Setyembre 2014, madaling araw, nakatanggap na lang ng tawag si Jean mula sa kapatid, “Ate, pumunta ka sa ospital, si Lapon nabangga ng dyip, 50-50…” pambungad sa kanya.
Alas siete ng umaga na nangkarating sa Ospital ng Muntinlupa si Jean.
Bumubula may kasamang dugo ang bibig ng kapatid ng kanyang datnan sa ospital. “Tinapat na kami ng doktor na sa sama ng tama niya sa ulo mahihirapan na siya,” sabi ni Jean.
Sampung oras makalipas namatay si Lapon. Lumabas sa kanyang Medical Certificate na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang Traumatic Brain Injury, Severe Pulmonary Contusion and Chest Trauma.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang mga pulis ng Carmona Cavite. Ayon sa pinagsamang salaysay ng rumispondeng pulis na sina PO3 Knowell Morris
Mendoza at PO2 Rommel Alcaraz ng Bancal Sub Station, Carmona Cavite.
Bandang 10:40PM nung ika-26 ng Setyembre 2014, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concern citizen na may aksidente sa tapat ng Mount View sa kahabaan ng Governor’s Drive, Brgy. Bancal, Carmona Cavite sangkot ang isang pampasaherong dyip at isang lalaki.
Pagpunta nila sa lugar nakita nila ang isang lalaki na nakadapa sa gitna ng kasalda at ang isang pampasaherong dyip na may plakang DXN 162.
Agad na dinala sa pagamutan ang biktima habang inanyayahan nila ang drayber ng dyip sa himpilan ng pulisya sa Carmona.
Napag-alaman nilang ang nagmamaneho ay si Narciso Albasin Luya, 41 taong gulang taga Old Bulihan, Silang Cavite.
Sa pakikipag-usap nila Jean sa mga umano’y saksi sa pagkakabundol dito kay Lapon, pabalik na raw ito sa barracks matapos magpa-load ng masagasaan ng dyip minanameho ni Narciso (byaheng StarMall Alabang-Carmona).
“Gabi nun kaya humaharurot daw ang dyip kaya ganun na lang ang pinsalang tinamo ng kapatid ko,” ayon kay Jean.
Nagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide sina Jean laban kay Narciso.
Ika-29 ng Setyembre 2014 na maisampa ang kaso sa Provincial Prosecutor’s Office, Province of Cavite.
Nakulong itong si Narciso sa loob ng isang linggo matapos ma-inquest at nakapagpiyansa sa halagang P30,000.
Ayon kay Jean, nasa ospital pa lang si Lapon bumisita na ang mga magulang ni Narciso at sinabing tutulong sila sa mga bayarin sa ospital subalit inilibing na’t lahat ang kapatid wala silang natanggap na kahit magkano sa pamilya ni Narciso.
Sa ngayon hinihintay pa rin nila Jean ang skedyul ng pagdinig ng kaso nila. Huling punta niya sa Prosecutor’s Office sinabihan siyang magpunta sa Branch 19, Prosecutor’s Office Bacoor, Cavite.
“Hindi namin alam kung ano ng nangyari sa kasong ng kapatid ko. Hanggang ngayon wala pa ring usad ang kasong sinampa namin,” ani Jean.
Una na naming nakausap ang kapatid ni Jean na nasa Bicol sa aming progama sa radyo. Pinayuhan namin siyang magpapunta ng kanilang kapamilya sa amin dahilan para magpunta sa aming tanggapan si Jean.
Itinampok namin si Jean sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00AM-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Jean na dahil ang akusado ay nakapagpiyansa ng P30,000 siya’y hinayaan na bigyan ng pansamantalang kalayaan. Karaniwan ang mga korte sa probinsya ay puno ng mga mga kaso at kung minsan ang hahaba ng mga pagitan ng mga pagdinig.
Iilan lamang ang mga korte sa lugar katulad ng Bacoor. Kulang din naman ang mga hukom na nakatalaga dito. Merong mga pairing judges na paminsan-minsan pumunta dun para duminig ng kaso.
Halos Oktubre na ng naisampa ito sa hukuman halos natapos na ang Nobyembre wala pa. Pagdating ng Desyembre ilang araw lang meron para magkaroon ng pagdinig sa kaso. Pagdating naman ng Enero magkakaroon ng imbentaryo. Malungkot mang sabihin ang nakikita ko rito baka abutin ng Pebrero bago sila abutin ng paunang pagdinig at marami pang pagdadaanan nito.
Tinawagan namin si State Prosec. Romeo Galvez, dating Director ng Department of Justice Action Center (DOJAC) para kausapin ang taga-usig na nakatalaga sa korte run. Siya ay si Prosec. Rex Gingoyon. Tignan kung anong dapat gawin at para mabigyan ng takdang panahon kung kelan pwede dinigin ang kasong ito.
Sinulatan namin si Prosec. Gingoyon at ini-refer namin ang pagkainip ng pamilya ni Lapon. Nangako sila na babalik para bigyan kami ng karagdagang ulat kung ano na ang nangyari sa kaso ng kanilang kapatid. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038