Ngayon na

MAGKAKAROON ng major revamp daw sa New Bilbid Prison (NBP). Bukod diyan, kailangang dumaan din ang lahat ng tauhan sa drug testing. Lahat ito ginagawa dahil sa patuloy na kriminal na aktibidad at masarap na buhay ng ilang mga sindikato at VIP na bilanggo. Aalamin kung sino sa mga tauhan ng NBP ang lulong na sa droga, na maaaring dahilan kung bakit sila kontrolado na rin ng sindikato.

Pero kung ako masusunod, palitan na dapat lahat ng tauhan at sa tingin ko ay nabili na lahat ng sindikato. Sa pinakahuling imbestigasyon at masinop na paghahanap ng mga kontrabando sa loob ng kulungan, may mga nakumpiskang signal jammers at wi-fi sa loob! Paano nakapasok ang mga ito? Hindi maipapasok ang mga kagamitang ito nang walang kasabwat na guwardiya o opisyal ng NBP. Kaya kung iliipat lang sa ibang pwesto o duty, baka wala ring mangyari. Idaan pa rin sa drug testing para malaman kung sino na ang mga addict. Kung hindi pera ang ibinabayad sa mga guwardiya, baka mga iligal na droga na pambenta o pansariling gamit.

Nagtataka naman ako kung bakit ngayon lang ito ginagawa at matagal nang pinag-uusapan ang mga problema ng NBP. Talagang napakalakas ng sindikato at tila binigyan pa ng ilang dekadang palugit bago naghigpit na nang husto. Dapat matuloy na rin ang paglipat ng NBP sa ibang lugar malayo sa anumang pangunahing siyudad, para matigil na ang mga iyan at maging tunay na mga bilanggo. Hindi sila dapat nagkakaroon ng pagkakataong makapagnegosyo pa. Hindi sila dapat namumuhay ng masarap at maginhawa sa loob.

Kaya maraming kriminal ang hindi takot mahuli o mabilanggo sa NBP, dahil sa mga kababalaghang nagaganap. Maraming kriminal ang hindi takot gumawa ng krimen. Baka mas maaalagaan pa nga sa loob kaysa sa lansangan. Lahat ng mga pahayag hinggil sa pagbabago sa NBP ay dapat ipatupad, ngayon na. Wala nang diskusyon at mabibigyan na naman ng pagkakataon ang mga bilanggo ayusin ang kanilang mga istilo sa loob. Putulin na lahat, kumpiskahin na ang lahat ng kontrabando. Wala nang VIP. Wala nang kahit anong kasangkapan. Gawing tunay na preso ang NBP at hindi bakasyunan.

Show comments