AYON sa Philippine Society of Oncologists, heto ang 9 na posibleng palatandaan ng kanser:
Pagbabago sa pagdumi o pag-ihi – Kailangang masuri ng doktor kung ang pasyente ay may problema sa bituka o sa bato at pantog. Kung may bahid ng dugo ang inyong dumi o ihi, magpatingin po sa isang surgeon.
Sugat na hindi gumagaling – Kung ang sugat ay nasa paa, posibleng dahil ito sa diabetes. Ngunit may mga sugat na iba ang dahilan. Kumunsulta sa dermatologist.
Hindi pangkaraniwang pagdudugo – Ang madalas na pagdugo ng ilong o mula sa puerta (vagina) ay kailangan patingnan. Posibleng may bukol sa ilong o matris ang pasyente.
Bukol sa suso o ibang bahagi ng katawan – Ang pangunahing kanser sa kababaihan ay ang kanser sa suso. Matutong mag-examine ng suso bawat buwan (self breast examination), lalo na kung may kamag-anak na may breast cancer. Kung may bukol na nakapa, magpatingin sa isang surgeon.
Hirap lumunok – Posibleng may goiter o may nagbabara sa lalamunan. Kapag hirap nang lumunok ng pagkain, magpa-check up sa ENT o Ear Nose Throat specialist.
Pagbabago ng nunal –Ang melanoma ay isang kanser sa balat na maitim ang kulay. Kapag nagbago ang anyo ng inyong nunal, lumalaki man o lumalapad ang hitsura, patingnan sa isang dermatologist.
Laging inuubo – Maraming Pinoy ang inuubo dahil sa polusyon at paninigarilyo. Ngunit ang ubo ay puwedeng may iba pang dahilan. Magpagawa ng chest X-ray. Malalaman dito kung may tuberculosis at bukol sa baga.
Maputla o kulang sa dugo – Ang mga anemic na pasyente ay kadalasan malakas magregla o kulang ng sustansya sa pagkain. Pero posible rin na may kanser sa dugo o leukemia. Magpagawa ng Complete Blood Count (CBC).
Pangangayayat nang walang dahilan – Ganito ang nangyari kay Tita Cory Aquino. Namayat siya muna bago natuklasan na may colon cancer. Kung ika’y pumayat ng 5 kilo o 10 pounds ng hindi naman nagdidiyeta, magpatingin sa isang internist o family medicine doctor.
Nililinaw ko lang po na ang mga senyales na ito ay hindi nangangahulugang may kanser na ang pasyente. Huwag munang mangamba. Kumunsulta sa doktor para malaman ang sakit. Good luck po!