Maingay ang China

MUKHANG maingay ang China ngayon. Una, dinemanda nila na pakawalan ang siyam na mangingisda na nahatulan dahil sa poaching. Nahuli sila noong Mayo sa Half Moon Shoal. Nakuha sa kanilang bangka ang 200 pawikan, karamihan patay na. Bawal ang paghuli ng mga pawikan. Pero dahil inaangkin ng China ang buong karagatan, wala raw silang nilabag na batas ng Pilipinas. Mabibigat ang multa na hindi naman yata mababayaran ng mga mangingisda. Pero dahil may kasamang kulong, hindi sila dapat pakawalan na lamang dahil sinabi ng China.

Pangalawa, masanay na raw ang bansa, pati na rin ang US sa ginagawa nilang pagbuo ng bagong isla sa Spratlys, dahil na rin sa parehong rason na kanila naman ang buong karagatan. Binatikos ng US ang agresibong pagbuo ng mga isla sa mga lugar na pinagtatalunan pa. Kita sa mga nakunang larawan sa Kagitingan Reef ang pagbuo ng bagong isla. Kumpara sa nakunang litrato noong 2012, malaki na ang nagawang isla. Tatlong libong metro na nga ang haba. Sa tingin nga ng mga eksperto, tila gagawan ng paliparan para sa mga eroplanong militar. Inamin din ng pahayagan sa China na malaking pakinabang sa kanilang militar ang paglagay ng airport sa nasabing lugar, pero kapayapaan pa rin daw ang kanilang hangarin.

Ewan ko, pero parang doble-kara, hindi ba? Ipinakikita ang agresibong pag-aangkin sa mga isla sa Spratlys, pero kapayapaan daw ang gusto? May maniniwala ba? Sila lang talaga ang nakaiintindi ng kanilang pinagsasabi. Kung ang tingin nang lahat ay sila ang agresibo, ay dahil totoo naman.

Sigurado kahit ano pang reklamo natin kanino man, maging sa UN o sa mga kaalyado nating bansa, walang pakialam ang China. Kung kailan magkakaroon ng desisyon ang UN ay hindi pa matiyak. Habang tumatagal, hindi ito maganda para sa bansa. Lumalabas ba na hindi malakas ang ating kaso? O pati ang UN ay ayaw na rin banggain ang China?

 

Show comments