SABI ng mga residente sa Pandacan na malapit sa oil depot, makakatulog na sila nang mahimbing ngayon. Hindi na raw sila kakabahan na mayroong sasabog o kaya’y may masusunog na malalaking tangke ng gasoline o aviation fuel sa kanilang lugar. Hindi na raw sila mangangamba kung sasapit ang Bagong Taon na baka magkaroon ng pagsambulat mula sa depot matapos tamaan ng kuwitis o iba pang malalakas na paputok. Maaari rin daw itong targetin ng mga terorista sapagkat mas madaling pasabugin.
Mas marami ang may gustong alisin ang depot sapagkat mitsa ng panganib hindi lamang sa kanilang mga taga-Pandacan kundi pati na rin sa mga taga-Punta, Santa Ana at maging sa malapit sa Malacañang. Kapag sumabog ang tangke sa depot, madadamay ang mga nasa kalapit na lugar at marami ang mamamatay at masusugatan. Magiging impiyerno ang lugar.
Mabuti at nagpasya na ang Supreme Court para sa relocation ng oil depot sa Pandacan. Binigyan ng SC ng 45 araw ang tatlong kompanya ng la-ngis --- Chevron, Petron at Shell na mag-submit ng relocation plan. Ipatutupad ang relocation sa loob ng anim na buwan. Nanalo ang botong 10-2 na nagbabasura sa Manila City Ordinance 8187 noong 2009. Sa ilalim ng ordinansa, pinapayagan ang oil depot na magpatuloy ng operasyon sapagkat ang area umano ay heavy industrial zone. Ang ordinansa ay ipinasa sa panahon ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Ngayon nakikita na mas pinaboran nang nakaraang administrasyon ang kikitain mula sa depot kaysa sa kaligtasan ng mga residente. Malinaw na mas mahalaga ang pera kaysa buhay. Hindi nakita ang maaaring mangyari sakali at magkaroon ng pagsabog o pambobomba.
Maaaring sa Mayo o Hunyo 2015 ay mawala na ang oil depot at malulubos na ang kasiyahan ng mga residente hindi lamang ng mga taga-Pandacan kundi mga kalapit na lugar. Maaari na silang matulog nang mahimbing sapagkat wala na silang pangamba na maaaring sumabog o masunog na imbakan ng gasoline. Puwede na rin silang managinip.