Ginamit ni Philippine National Police Director Alan Purisima ang salitang ‘anay’ na siya umanong sisira sa PNP na sabi niya ay tulad ng isang bahay.
Ayon kay Purisima ang mga tiwaling pulis ay parang mga anay na sumisira sa bahay ng PNP. At sa kalaunan ang bahay na iyon ay magigiba at masisira nang tuluyan.
Ang scalawags ay walang puwang sa hanay ng PNP dahil sila mismo ang hahatak pababa sa organisasyon.
“Walisin ang tiwali sa PNP!”, mariing pinaalalahanan ni Purisima ang mga police personnel ng Southern Mindanao Regional Police Office nang idinaos ang isang ‘talk to men’ session noong Nobyembre 19 sa gym ng Camp Mericido sa Davao City.
Iyon ang naging tono ng pakikipanayam ni Purisima sa mga pulis dito sa katimugan ng Mindanao.
Ngunit hindi man lang nabanggit ni Purisima ang tungkol sa iskandalong kinasasangkutan niya ukol umano sa mansion niya sa Nueva Ecija.
Sa araw ding yon na nandito si Purisima sa Davao City ay siya ring araw na nagsalita si Senator Grace Poe na hinihingi niya ang isang imbestigasyon ukol umano sa isang property naman ni PNP chief sa Batangas.
Kaya nga hindi maiwasang maitanong kung paano na lang ang morale ng ating kapulisan na kung saan tuwing kakausapin sila ni Purisima at ukol sa katiwalian ang paksa ang kaharap nila ay nababalot din sa imbestigasyon ukol sa mga alegasyong sarili niyang mga kuwestiyunableng ari-arian.
Paano na lang ang bahay na yon ng PNP kung ang nasa taas ay may sarili ring mga isyu.
Naasiwa siguro si Purisima na tanungin ng reporters dito sa Davao City dahil umiwas siyang magpa-interview at si PRO-XI director Chief Supt. Wendy Rosario ang kanyang pinaharap sa media nang araw na iyon.
Magtatanong pa sana ang mga mediamen dito ukol sa ‘anay’ na sinasabi niya. Eh, kaso ayaw namang sagutin ni Purisima.