Ang huling paghuhukom ni Kristong Hari
NGAYON ang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo. Ito rin ang huling linggo sa karaniwang panahon ng taon A sa liturhiya ng Kristiyanong simbahan. Kaya sa Nobyembre 30 ang simula ng Bagong Taon sa liturhiya ng ating simbahan na unang linggo ng panahon ng Adbiyento.
Ipinasasabi sa atin ng Panginoong Diyos na Siya ang maghuhukom sa sanlibutan. Pagbubukurin Niya ang mga tupa at mga kambing. Hahanapin ng Diyos at mag-aalaga sa mga tupa Niyang nawawala. Pagbubukirin Niya ang mga mabait at masama. Ito ang pahatid sa atin ng Diyos Ama na muli Niyang binuhay si Hesukristo na katibayan sa Muling Pagkabuhay ng mga patay. Kung paanong namatay ang lahat ayon sa ating pagkaka-ugnay kay Adan ay panibagong buhay naman ayon sa pagkakaligtas sa atin ni Hesukristo. Siya ang maghahari hanggang malipol Niya ang lahat ng masama.
Sinabi ni Hesukristo sa Kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel at luluklok sa Kanyang marangal na trono”. Paghihiwalayin ni Hesukristo ang mga tupa at kambing; ang mabuti at masama. Ang sandigan ng Kanyang paghuhukom at pagpapapasok sa kaharian ng langit ay ayon din sa ating ginawa: Nagutom siya at ating pinakain; nauhaw at pinainom; dayuhan at pinatuloy; nagkasakit, nabilanggo at dinalaw. Kaya sinabi Niya: “Halikayo mga pinagpala ng aking Ama”. Papasukin na tayo ng mga anghel sa kahariang inihanda sa atin ng Ama mula pa ng likhain Niya ang sanlibutan.
At sa aba naman ng mga hindi sumunod sa banal na utos ng Panginoon. Sa paghuhukom ay pawang parusang walang hanggan sapagka’t pinagkaitan natin ng tulong at ipinahamak ang kapwa. Bago dumating ang katapusan ng ating buhay ay itanong natin sa ating sarili: May nagawa ba akong mabuti sa aking kapwa o may nagawa ba akong masama sa kanya? Lingunin natin ang kahapon at ayusin nating mabuti ang ngayon at bahala na sa atin ang Diyos bukas. Ngayon ay bukas ng isang kahapon!
Magsama-sama tayong lahat ng mga Kristiyano at ipagdiwang nating ang tanging kapayapaan sa darating na pagdiriwang ni Hesukristong Hari ng Sanlibutan. Christus vincit. Christus reinat et Christus imperat!
Ezekiel 34:11-12, 15-77; Salmo 22; 1 Corinto 15:20-26 at Mateo 15:31-46
* * *
Happy Birthday kina Bona Umlas at Love Aldea
- Latest