MABUTI’T nahuli agad ang isa sa tatlong lalaki na pumatay ng rare na ibon sa U.P.-Diliman campus nu’ng nakaraang Linggo. Umamin ang salarin sa krimen laban sa kalikasan. Kaya lang, hindi siya pinangalanan ng U.P. officials; dinala lang siya sa Dept. of Environment and Natural Resources para usisain, tapos pinakawalan habang iniisip ang isasakdal sa kanya. Dapat, pina-TV news man lang nila ang takaw-tingin na salarin. Mainam na parusa ang mabilisang pagpapahiya sa madla, kaysa matagalang paglilitis.
“Takaw-tingin” ang salarin dahil hindi naman siya patay-gutom. Maayos ang bihis nilang tatlo, may mga kagamitang pang-hunting, at makinang na jungle bolo. Kung bakit hinayaan ng U.P. Police Dept. na gagala-gala sa campus ang isang may armas ay dapat nilang panagutan.
Ang pinatay ng tatlo ay Black Bittern (Dupetor flavicollis). Parang tikling, mailap ito at manaka-naka na lang nakikita sa mundo. Pugaran ng ibon na ito ang U.P. Lagoon, manmade na lawa na napapaligiran ng malalaking puno. (Isa ako sa mga aktibistang nagtanim ng puno doon nu’ng 1972.) Bawal mag-hunting at pumatay ng rare wildlife.
Maalalang binaril ng grupo ng hunters ang isang rare Philippine Eagle nu’ng 2013 sa Kitanlad Reserve. Ni-litson nila ang ibon miski nakita na meron itong pulseras na bakal, ibig sabihin ay bilang ng gobyerno. Nahuli ang mismong bumaril, sinakdal, at sinentensiyahan nang 12 taon pagkakulong. Buti nga sa kanya: Takaw-tingin kasi.
Dapat hulihin at ikulong din ang mga nangangaso, nagbebenta, o pumapatay ng ibon na myna at pikoy, isdang mameng at butanding, reptiles na higanteng sawa at buwaya, at mammals na balyena at tamaraw. Mga rare din ito, at ang patuloy na pag-ubos sa kanila ay maaring mauwi sa extinction.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).