LAGANAP ang katiwalian ngayon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Pera lang ang katapat ng mga dapat ayusin o anumang nilalakad sa ahensiya. Basta may pera, madali lang ang lahat at ayos na ang buto-buto. At maski sa mga korte ay ganito rin ang nangyayari. Maaaring bilhin ang pagkapanalo ng kaso. Wala nang kung anu-ano pang mga pasakalye, basta kung gustong manalo sa usapin, maglagay lang ng pera at parang walang nangyari. Sarado na ang kaso, mabilis pa sa alas kuwatro.
Kaya hindi na nakapagtataka ngayon na mara-ming kaso sa korte ang nababasura sa kabila na may mabibigat na ebidensiya. Kahit nakikita nang nagsampa ng kaso na may laban siya, nababaliktad ang desisyon. Paano nga’y nabili na ang “perasecutor”. Nasilaw na ito sa kinang ng pera. Bulsa muna ang una at hindi ang pagtitimbang sa kaso na siya niyang sinumpaang gagawin. Wala nang halaga ang serbisyo para makamit ang inaasam na hustisya.
Kaya nakadidismaya ang balita ukol sa isang prosecutor sa Quezon City na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo sa aktong inaabot ang P80,000 mula sa isang sinampahan ng kaso. Ang P80,000 umano ay kabayaran para sa dismissal ng kaso na isinampa ng isang military chaplain noong 2010.
Inaresto ng NBI si QC prosecutor Raul Desembrana dahil sa paghingi nito ng pera kay Alex Montes, isang doctor at kasapi ng Morong 43 --- mga health workers na inaresto ng military noong 2010 dahil sa pagiging komunista. Isang retired military chaplain ang nagsampa ng unjust vexation kay Montes.
Nakaka-depressed ang pangyayaring ito kung saan isang nagpapatupad ng batas ang sangkot sa paghingi ng pera para ibasura ang kaso. Ganito na ba kababa o kadupang sa pera ang mga nasa katungkulan? Hindi na prosecutor kundi “perasecutor” na ang dapat itawag sa mga taong inaasahang magiging parehas sa mga kasong nakasampa. “Justice for sale” na ba talaga ang kalakaran ngayon? Dapat magkaroon ng paglilinis sa mga nakatalagang prosecutor o “perasecutor”. Dapat walisin ang mga naliligaw ng landas.