BUBOT pa ang kanyang katawan subalit napilitang maging ina. Hindi pa siya handa pero wala siyang nagawa kundi panindigan ang bunga ng kanya unang mapait na tikim.
Sa edad na katorse anyos nabuntis na ang ngayo’y labing anim na taon (16 anyos) na dalagang si “Janet” (di tunay na pangalan).
“Sinabi ko sa kanyang ayaw ko pero hinatak niya ko sa kama, sinampal sabay sabing, ‘Wag ka ng mag-inarte’”,” pagbabalik tanaw ni Janet.
Si Janet ay panganay sa limang magkakapatid. Tatlong taon pa lang siya nakatira na siya sa mga magulang ng kanyang ama sa Obando, Bulacan.
“Si Lolo at Lola na ang nag-alaga sa akin hanggang sa mamatay si Lolo nung taong 2003 dahil sa sakit na kanser,” kwento ni Janet.
Hindi naman daw mahigpit ang lola niya subalit istrikto sa oras ng pag-uwi.
“Second year hayskul ako nang magka-boyfriend. Pinayagan ako nung una nila mama at papa pero pinahiwalay nila rin ako,” ani Janet.
Buwan ng Agosto 2012 bigla na lang nakatanggap ng text si Janet mula sa ‘di rehistradong numero, “Hi…” laman ng text.
Nalaman ni Janet na ibinigay ng kanyang kaklaseng si “Gladys” (di tunay na pangalan) ang kanyang cellphone number sa pinsan nitong si Ronald Allan Rosario o “Ronald”, 25 anyos na ngayon.
Naging magkaibigan sila sa text. Ika-16 ng Agosto 2012, uwian nila sa eskwelahan nakita niyang nakaabang sa labas si Ronald. Lumapit si Gladys sa kanyang pinsan at tinuro si Janet.
“Matangkad siya, maputi, matangos ang ilong. Hindi naman kami nagkibuan. Nag-text lang siya kinagabihan manliliwag daw siya,” sabi ni Janet.
Naging sila ni Janet ika-2 ng Mayo 2012. Tatlong araw makalipas sinundo na siya ni Ronald sa labas ng ekwelahan. Naulit ito nung ika-8 at ika-10 ng Mayo.
“Hinahatid niya ko sa sakayan, sa padyak tapos uuwi na siya. Ganun lang kami,” ani Janet.
Pinagbawal kay Janet na magka-‘boyfriend’ ulit kaya hindi nakakapunta ng bahay si Ronald. Ika-19 ng Setyembre 2012, nagkayayaan sila nila Gladys at iba pang kaibigan na mamasyal. Galing silang eskwelahan nun. Nagtanghalian sila sa bahay ng kaklase saka tumambay kina Gladys.
Katabi lang ng bahay nila Gladys ang bahay nila Ronald kaya ng makita sila lumabas ito at inaya sila magkakaibigan sa loob. Walang kasama si Ronald nun.
Pumasok sila sa loob ng bahay, ilang sandali lang umalis ang kanyang mga kaibigan at nagkayayaan bumili sa labas.
“Sinabi ko sama ko, wag na raw. Naiwan ako kasama si Ronald,” aniya.
Nang sila na lang ang tao, sinara daw agad ni Ronald ang pintuan at mabilis na lumapit sa kanya. Kasalukuyan siyang nasa upuan nun at ramdam niya daw ang kakaibang pagdikit ni Ronald na para bang inaaya siyang yakapin at halikan.
“Umiiwas ako pero pilit niya kong dinala papunta sa kama,” ani Janet.
Alam ni Janet ang gustong gawin ni Ronald kaya naman nagmatigas daw siya sa pagsabing, “Ayoko ko!”. Hinalikan siya ni Ronald sa pisngi, umilag siya subalit umabot ang halik sa kanyang mga labi.
Sisigaw umano siya pero tinakpan daw ni Ronald ang kanyang bibig.
“Hiniga niya ako, umiiyak na ako pero sinampal niya ko ng malakas at sinabing, ‘Wag ka ng mag-inarte!’ Wala na kong nagawa hinubaran niya ako at nagawa niya ang pakay niya... dalawang beses,” pagsasalarawan ni Janet.
Alas singko ng hapon nag-text ang mga kaibigan niya at sinabi uuwi na sila. Hinintay siya ng mga ito sa labas. Umiiyak siya ng panahong iyon. Tinanong siya ng ibang kaibigan subalit hindi na lang daw siya kumibo.
Simula nun hindi na niya pinansin si Ronald. Panay kamusta raw ito sa kanya sa text. Sa galit niya nagpalit na siya ng sim card.
Sinubukan niyang ilihim ito subalit isang linggo ang nagdaan umamin siya sa kanyang lola at nakiusap na ‘wag muna itong sasabihin sa mga magulang.
Desyembre 2012, pumunta sila ng kanyang lola sa ospital at pinakuhanan siya ng ihi. Pina-pregnancy test si Janet. Nalamang siya’y buntis.
“Sabi ni Lola hanggat maayos ayusin na lang,” ayon kay Janet.
Pinatawag ng kanyang lola si Ronald. Pumunta naman ito sa kanilang bahay at nangakong siya ang sasagot sa mga gastusin sa pagpapaanak. Dinala na rin ang usaping ito sa barangay at sinabi ni Ronald na magsustento ng P2,000 kada buwan.
“Apat na buwan siyang tumupad tapos ‘di na siya nagbigay,” ani Janet.
Sa ngayon patuloy na bumabangon si Janet at hinaharap panibagong buhay bilang batang ina. Bumalik siya sa pag-aaral sa hayskul. Meron na rin bagong karelasyon si Janet. Hanggang ngayon naghahanap pa rin umano niya ang hustisya sa nangyari sa kanya dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.
“Gusto kong magreklamo ng rape nun pero sabi ni lola ayusin na lang para makaiwas sa kahihiyan,” ayon kay Janet.
Kasama ni Janet nagpunta sa amin ang bagong karelasyong si Angelo, 18 taong gulang at ang ina nitong si Aniceta Magcamit. Itinampok namin sila ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, diretso namin tinanong si Janet kung tuloy-tuloy bang nagsuporta ba itong si Ronald, kakasuhan pa ba niya ito ng ‘rape’? Isang matigas na “Oo” ang narinig namin sa kanya.
Una na naming pinapunta si Janet sa Women’s Desk ng Obando Police Station kay PO1 Jocelyn Soliman na dati na rin nilang nakausap para tulungan silang magsampa ng kauukulang kaso. Kinuhaan na ng salaysay itong si Janet.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na kausapin si PO1 Soliman dahil ayon kay Janet ayaw silang bigyan ng kopya ng affidavit. Nilinaw ni PO1 Soliman na hindi sila basta pwede magbigay ng kopya hangga’t ‘di pa sumasailalim sa ‘medico legal examination’ si Janet at maisampa ng kaso dahil maaaring gamitin itong panakot sa ama ng bata. Dalhin lang sa barangay at sabihing kapag hindi nagsustento, kasong RAPE ang kakaharapin niya.
Hiniling namin kay PO1 Soliman na tulungan na lang si Janet sa proseso ng mga dapat gawin. Una niyang sinabi na kailangan ang tunay na ina ang sumama at hindi nanay ng boyfriend niya lang. Paliwanag ni PO1 Soliman, “Menor de edad siya ng mangyari at kailangan ng gabay ng tunay na magulang. Ayos na ang mga papeles ng reklamong Violation of RA 9262 dahil sa hindi pagsustento at may kakabit na ‘In relation to 7610.”
Maayos ang pagkaasikaso sa kanyang kaso ni PO1 Soliman at walang dahilan o basehan ang kanilang reklamo. Pinabalik namin sila sa kanya para umusad na kaso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038