MAHIGIT sa isang dekada na ang nakararaan nang nabubuhay pa ang aking nanay, ang hanapbuhay niya ay mag-finance sa mga nagtitinda sa palengke sa Bonifacio Circle sa Caloocan. Nagpapautang na may legal at rasonableng interes. Kalaunan ay hindi lamang mga vendors ang tinutulungan niya kundi pati ibang maliliit na nagnenegosyo.
Ang isa sa mga lumapit para umutang ng puhunan sa kanya ay ang butihing ina ng ngayo’y si Sen. Antonio Trillanes. Never heard pa ang pangalang Trillanes. Ang alam ko ay nagsu-supply ang kanyang inang si Estelita sa Armed Forces of the Philippines. Mabait at soft-spoken si Aling Estelita. Nahinuha kong hindi naman siya big-time businesswoman para umutang sa isang hamak na nagpapautang lang sa palengke tulad ng nanay ko.
Naikuwento ko ito sa isang kaibigan na bumulalas ng: “Ordinaryong pamilya lang pala sila noon, bakit…?”
Bakit daw pumanhik sa milyun-milyong piso ang idineklara niyang asset sapul nang siya’y maging Senador. ‘Di naman daw galing sa mayamang angkan si Sen. Trillanes. Walang ibang pagkakakitahan bilang junior officer nung siya ay nasa Navy pa. Wala ako sa lugar para maghusga. Baka naman nanalo sa lotto o nakamana ng malaking halaga bagamat duda ang kaibigan. Sa gitna ng nakikitang image ni Trillanes bilang “crusader laban sa katiwalian” mayroon ding mga akusasyon sa kanya tulad ng overpricing ng biniling multi-cabs gamit ang kanyang pork barrel noong 2010-2013.
Dati umanong procurement officer sa Navy si Trillanes at baka raw dumiskarte na siya noong mga panahong yaon, isa raw old habit na baka dala-dala niya pa nang maging Senador. Well, ang mga akusasyon ay mananatiling akusasyon hanggang walang pruweba tulad din ng pag-aakusa kay Vice President Jojo Binay. Sana’y makapagpaliwanag din ng klaro si Trillanes sa mga inaakusa sa kanya para magkaroon ng kredibilidad sa kanyang sinasabing krusada laban sa katiwalian.
Pero kung babanggit ako ng isang bagay na kabatibatikos kay Trillanes ay ang hindi malilimutang backdoor negotiation niya sa China nang walang opisyal na pahintulot ng pamahalaan para sa usapin sa West Philippine Sea. Hindi naman siya diplomata at walang awtoridad mula sa gobyerno kaya, bakit niya ginawa ito?