HABANG papalapit ang Pasko, kapansin-pansin ang pagdami ng mga pulubi at iba pang namamalimos sa kalye. May mga sumasampa sa dyipni at nag-aabot ng sobre sa pasahero. Mayroong karga ang mga anak at bawat humihintong sasakyan ay kinakatok ang bintana para manghingi ng limos. Karaniwang makikita ang mga pulubi sa España Blvd., Maynila malapit sa riles ng tren.
Kung maraming pulubi, mas marami ang mga batang kalye na hindi lamang pagpapalimos ang ginagawa kundi mga nagiging kawatan na. Sa report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), tinatayang nasa 75,000 hanggang 85,000 umano ang mga batang kalye sa bansa at pinakamarami sa Metro Manila. Mga nanlilimahid at gagala-gala sila sa mga kalye at sa mga silong ng MRT, LRT, at mga tulay natutulog sa gabi. Nakahanay ang kanilang mga katawan sa semento.
Ang ilang batang kalye, ‘pamimitas ng hikaw’ ang ginagawa sa mga pasahero ng jeepney. Maraming gumagawa nito sa Quiapo, Recto at Rizal Avenue. Nag-aabang na ang mga batang kalye sa mga pasahero ng jeepney at kapag nakakita ng ‘pipitasing hikaw’ ay agad na sasalakay. Magugulat na lamang ang pasahero na natangay na ang kanyang hikaw at nakatawid na sa kabilang kalsada ang batang kalye.
Mas matindi naman ang ginagawa ng mga batang kalye o batang hamog sa EDSA-Guadalupe, Makati kung saan, mga taxi ang kanilang binibiktima. Kapag may bumabang pasahero, sasalakay ang mga batang hamog at sasalisi para makuha ang cell phone at pera ng taxi driver. Kapag nakuha na ang pakay, tatawid na sa kabilang kalsada ang mga batang hamog at hindi na mahuhuli. O kung mahuli man sila, hindi naman makukulong sapagkat menor-de-edad. Dadalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) pero makakatakas din doon at balik sa kalye para gumawa uli ng kasalanan.
Halos lahat nang batang kalye ay sumisinghot ng rugby. Nakasilid sa plastic na supot ang rugby at sinisinghot. Sabi, para raw malimutan ang gutom at mga isipin sa buhay.
Malaking hamon sa DSWD ang mga pulubi at batang kalye. Sagipin sila para hindi mapariwara ang buhay. Iligtas sila sa pagiging sugapa at criminal.