EDITORYAL - Kaliwa’t kanan ang mga krimen

ANG hindi mapigil na pagtaas ng krimen sa Metro Manila ang dahilan kaya inalis sa puwesto ang apat na police district directors noong nakaraang linggo. Ang nagtanggal sa kanila ay ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa rekomendasyon na rin ng Philippine National Police. Gayunman, isang araw makaraang masibak ang police chiefs, sinabi ng PNP na bumaba ang crime rate sa Metro Manila.

Mahirap paniwalaan na bumaba ang crime rate. Halos araw-araw ay may krimen, hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa mga probinsiya. Kaya ang tanong, mayroon pa bang ligtas na lugar sa panahong ito?

Wala nang kinasisindakan ang mga kriminal ngayon. Kahit pa abot-tanaw ang police station, isasagawa nila ang krimen. Walang makapipigil sa kanilang masamang hangarin – papatay, magna­nakaw, mangangarnap, manghoholdap, mang-ii-snatch, at iba pang karumal-dumal na krimen. Kamakalawa, apat katao ang pinagbabaril at napatay sa Dasmariñas, Cavite. Mga naka-motorsiklo umano ang namaril. Umano’y mga asset ng pulisya ang pinatay. Hinahanap na ng mga pulis ang mga killer.

Noong nakaraang linggo, binaril at napatay ng riding-in-tandem ang abogado at mamamahayag na si Jack Turqueza sa Tuguegarao City. Nakasakay si Turqueza, 47, sa kanyang motorsiklo nang sundan ng tandem at pagbabarilin. Namatay noon din si Turqueza dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib. Bukod sa pagiging reporter, isa rin siyang radio broadcaster. Nakatakas ang mga salarin. Inaalam ng pulisya kung ang pagpatay kay Turqueza ay may kinalaman sa kanyang pagiging abogado o pa­giging mamamahayag. Maraming nababahala na ang pagpatay kay Turqueza ay mapapabilang na naman sa mga hindi malulutas na krimen.

Habang namamayagpag ang riding-in-tandem, patuloy din naman ang holdapan sa jeepney, bus at mga taxi. Ang pumalag ay walang awang binabaril kahit na walang kalaban-laban na babae.

Ang nakapagtataka, kapag may nangyayaring krimen, walang nagpapatrulyang mga pulis. Nasaan ang sinasabi ng PNP na walang tigil ang pagpa­patrulya nila lalo sa dis-oras ng gabi. Bakit walang magawa ang PNP kung paano puputulan ng pangil at sungay ang mga kriminal?

Kung ang pagsibak sa mga pabayang hepe ng pulisya ang tamang paraan para mamulat sila at gawin ang kanilang tungkulin, gawin ito nang palagian. Walang karapatan sa puwesto ang mga pabayang hepe!

Show comments