Calling card

KAPAG may humihingi ng calling card sa akin, kung minsan, hinihiling pa na pirmahan ko ito.

Wala naman akong malisyang nakikita dahil hindi naman puwedeng gawing “privilege card” ang ibinigay kong calling card para humingi ng pabor kanino man.

Ngunit iba kapag calling card ng mataas na opisyal sa pulisya ang pag-uusapan. Kapag mayroon ka nito at pirmado ng opisyal, talagang puwedeng ipagwagwagan sa apprehending officer at kadalasan, palulusutin ka sa mga simpleng traffic violations.

Kamakailan, nasabit sa kontrobersya ang isang PNP General matapos ipaskel at ipagmalaki pa ng isang FHM model sa social networking site ang paggamit nito ng calling card ng opisyal para makalusot sa coding  sa isang lugar sa Metro Manila.

Marahil, kung nanahimik na lang ang model na ito na si Alyzza Agustin at hindi na ibinandera sa Instagram ang larawan ng calling card  at di na ipinagmalaki ang kanyang naging karanasan, hindi na ito naging isyu. Hindi na sana siya binatikos ng mga netizens sa kanyang pagyayabang.

 Sabi ni Allyza sa ipinaskel na message: “Nahuli na naman ako dahil coding but because of you Boss Alex wala ng huli huli. Thank you so much sa napaka-useful mong card with matching dedication’” ani Allyza sa kaniyang post. 

Si Allyza ay kabilang sa FHM 100 Sexiest Women sa buong mundo sa taong 2013. Dahil diyan, hindi maiiwasan umariba ang malisyosong isip ng mga nakabasa sa post ni Allyza. Nagtataka umano ang mga netizen kung ano ang ibig sabihin ng “EA” na isinulat ng heneral. May impresyon tuloy ang iba na baka nangangahulugan ito ng “Extrang Asawa”.

Naalala ko tuloy na nung ako’y bagong reporter pa sa radyo, sa pagmamadali ay nag-beating the red light ako at pinara ako ng pulis para tikitan. Nang Makita ang press ID ko sa may bintana, sinabi ng pulis: “Ay sorry sir. Press pala kayo” at sinabing hindi na ako titikitan.

Pero nakonsensya ako at nag-isip dahil madalas ko nang gawin ang traffic violation na ito at lagi akong nakalulusot. Dinukot ko ang aking wallet at ibinigay ang aking lisensya sa pulis at sinabi kong: “Tikitan mo na ako. Masyado na akong abusado eh.”

 

Show comments