Mag-Agnew na dapat si Jojo

SI Spiro Agnew ay dalawang beses na nahalal na Vice President ng United States sa ilalim ni U.S. President Richard Nixon. Ngunit noong 1973, si Agnew ay nagbitiw bilang Vice President matapos siyang masampahan ng kasong bribery.

Siya raw ay tumanggap ng suhol sa isang construction company sa State of Maryland noong siya ay nanunungkulan pa bilang gobernador. Wala nang maraming usapan, wala nang maraming kung anu-anong paliwanag, siya ay nag-resign kaagad.

Kung ipinaglaban siguro ni Agnew ang kaso laban sa kanya sa korte, marahil ay napawalang sala pa siya dahil walang proof beyond reasonable doubt. Mahirap kasi mapatunayan ang kasong bribery. Palihim kasing inaabot ang suhol at walang nakakakita. Pero si Agnew ay may natitirang respeto sa sarili at sa mga mamamayan ng US.  Kaya sa halip na kumapit tuko sa kanyang puwesto bilang Vice President, siya ay nagbitiw kaagad-agad.

Dapat gayahin ni Vice President Jojo Binay ang ginawa ni Agnew. Huwag na siyang magkapit tuko sa puwesto. Ang bibigat ng mga ebidensya laban sa kanya at sa kan­yang dayunyor na Mayor ngayon ng Makati.

Based on reliable information, may mga susunod pang mga expose laban kay Binay na may kaugnayan sa pagiging Presidente niya ng Boy Scouts of the Philippines. Marami na nga na nagbabansag sa kanya ng “Boys Kawat”. Mayroon din daw lalabas pang mga anomalya sa Pag-IBIG Fund na kung saan ay siya ay Chairman.

Sana ay magising na si Binay sa katotohanan na hindi araw-araw ay fiesta. It’s time to do an Agnew.  

Show comments