‘Basag ang mukha’ (Huling bahagi)

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

“Awang-awa na ako kay Galahad. Duguan siya at ng mahila ni Jerome ang isa sa mga anak niya doon na rin tumulong si Johnny para makuha rin ang isa sa mga gumulpi kay Galahad,” ayon kay Mark.

Naitampok namin noong nakaraang Lunes ang tungkol sa pambubugbog sa asawa ni Michelle Umali na si Galahad Jerome. Pinagbubugbog umano ito ng pamilya Ting.

Idinetalye ng kasama ng pamilya Ting na si Mark Daven Ong ang nangyari noong ika-10 ng Nobyembre 2013.

Sa pagpapatuloy ng kanyang salaysay, siya raw ang naiwan sa tabi ni Galahad dahil naawat na nina Jerome at Johnny si Jardine at Jude. Nagkaroon siya ng pagkakataon na itayo si Galahad at dun siya nakita ni Jardine. “Pu7@n6 1n@ mo Mark! Huwag mong tulungan yan!”

“Sa takot ko na baka pati ako madamay binitiwan ko si Galahad at bumagsak siya. May sumipa at tumuhod sa kanya ng paulit-ulit. May sumirit na dugo sa short ko dahil putok na ang mukha ni Galahad habang sinisipa siya ng mag-aama,” patuloy ni Mark.

Pilit daw iniuupo ni Jude si Galahad at sinusuntok. “Ano? Matapang ka di ba? Tumayo ka! sabi nito. Hindi niya mapigilan ang mga ito sa takot na madamay.

“Nakita ko kung paano nila pagtulungan si Galahad kahit nagmamakaawa na ito. Hindi pa rin nila ito tinitigilan hanggang sa mawalan ng malay,” ayon sa salaysay ni Mark.

Paulit-ulit umanong sinisigawan ni Jerome si Galahad. “Go home or I’ll kill you!”

Dumating ang kapatid ni Galahad na si Jesulito ngunit hinarang ito ni Johnny para hindi makalapit at madamay. Umalis ito ngunit ilang sandali bumalik ito na may dalang gitara at may mga kasama.

“Dun na kami nagtakbuhan at sinalubong namin nina Jardine, Jude at Jerome dahil inaakala namin na magkakaroon ng rambol. Hindi na nakalapit ang mga kasama ni Jesulito dahil nakita nilang naagaw ni Jardine ang gitara,” salaysay ni Jesulito.

Sinuntok daw siya ni Jesulito ngunit nakailag siya. Pag suntok niya hinawakan ni Jude si Jesulito hanggang sa mapahiga sa kalsada. Habang hawak umano ito doon ito pinaghahampas ng paulit-ulit ni Jardine hanggang sa maputol ang hawakan ng gitara.

“Dun na ako nagkaroon ng pagkakataon para tulungan si Galahad ginigising ko siya hanggang sa gumalaw siya,” ayon kay Mark.

“Tulungan mo ako. Papatayin nila ako, hindi ko na kaya,” sabi raw ni Galahad sa kanya.

Inakay niya ito at sinabing iuwi na siya. Nakita niyang pabalik na sina Jardine at Jude kaya’t iniupo niya ito sa gilid ng pulang trak.

“Pumunta ako sa kanto para humingi ng tulong ngunit walang tao kaya bumalik ako. Hindi pa man ako nakakalapit ay may nakita akong babae na nakayakap sa kanya,” ayon sa salaysay ni Mark.

Hindi na siya lumapit dahil natakot siyang sisihin sa nangyari kay Galahad.

“Ipinasama rin namin ang pangalan ni Johnny Ting sa kakasuhan. Labing apat na araw kailangang magpagaling ni Jesulito,” pahayag ni Michelle.

Matapos ang pagpapasa ng kani-kanilang salaysay at ng ilang pagdinig, noong ika-12 ng Marso 2014 naglabas ng resolusyon ang Investigating Prosecutor na si Assistant City Prosecutor Nancy Gironella-Peig.

Nakasaad dito na may sapat na batayan na ang mga akusadong sina Jerome, Jardine at Jude ay makasuhan ng ‘Serious Physical Injuries’ sa nagrereklamong si Galahad at tanging si Jerome Ting lang ang makakasuhan ng ‘Less Serious Physical Injuries’ sa biktimang si Jesulito.

Ang mga natamong pinsala ng biktima na hindi kakakitaan ng kagustuhang patayin ay hindi Frustrated Murder o Homicide kundi tanging Physical Injuries lamang.

Tanging si Jerome Ting lang ang nanakit kay Jesulito kaya’t tanging siya lang ang masasampahan ng kasong Less Serious Physical Injuries.

Si Johnny Ting naman ay hindi napatunayan ang kanyang partisipasyon sa nasabing insidente. Maging sa salaysay ni Jesulito at ng ibang testigo ay hindi nabanggit ang pangalan ni Johnny.  Sa ibinigay ding salaysay ni Mark Ong ay hindi nabanggit na nakasakit itong si Johnny Ting. Sa puntong ito ang kaso laban sa kanya ay ‘DISMISSED’.

Sina Jerome, Jardine at Jude Ting ay nahaharap sa kasong Serious Physical Injuries. Anim na libong piso ang nakatakdang piyansa sa bawat akusado. Habang si Jerome Ting naman ay nahaharap sa kasong Less Serious Physical Injuries.

Ang kasong Frustrated Homicide ay ‘DISMISSED’ sa kakulangan ng ebidensiya. Ito ay marahil na hindi nakitaan ng taga-usig ng ‘intent to kill’.

Sa grabeng mga pinsala at sugat na tinamo wala pa bang intension patayin itong biktima. Basag-basag na mukha, lumaylay ang mata at kinailangan lagyan ng bakal at hindi tinantanan, wala pa nung elementong yun?

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Michelle.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi lamang naging malinaw sa amin kung bakit tanging si Jerome lamang ang nakasuhan ng ‘Less Serious Physical Injuries’ gayung nakalagay naman sa salaysay ni Mark Ong na ang humampas ng gitara kay Jesulito ay si Jardine habang hawak ito ni Jude.

Sa element na tinatawag na ‘conspiracy theory’ malinaw na pasok ito.

Hindi ba dapat lahat ng nagtulung-tulong at naging sanhi ng mga na­tamong sugat o pinsala nitong si Jesulito ay makasuhan?

Tungkol naman sa mga kaibigan ni Galahad kung sakaling hindi tumakbo ang mga ito, maaaring nagkaroon siya ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Ang depensa nila sa kanilang ‘Counter-Affidavit’ na meron silang mga nakitang lasing at nag-aaway-away, nagrarambolan at nagpapaluan, maaa­ring ito ang depensa na nakita ng kanilang abogado para palabasin na ang mga sugat na natamo ng biktima ay nagmula sa tinatawag na ‘physical injuries through tumultuous affray’,  dahil sa gulo sila’y nagkasakitan at hindi na malaman kung sino talaga ang may kasalanan. Tama kaya ako attorney? Nagtatanong lang.

Sa ganitong uri ng krimen hindi natin alam kung gaano kakritikal ang lagay ng biktima kaya’t mahalagang makunan kaagad siya ng salaysay ng pulis o otoridad. Maaaring si Michelle ang magsampa ng kaso bilang asawa at sa pamamagitan salaysay ng kanyang bayaw at ilang testigo nagawa ito at isunod na lamang ang salaysay ng umano’y biktima.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments