HINDI napigilan ni Concepcion Empeño ang sarili makaraang lumabas ang desisyon ng Bulacan Regional Trial Court na naglilipat kay retired Army Maj. General Jovito Palparan sa Army Custodial Center sa Fort Bonifacio mula sa Bulacan Provincial Jail noong Lunes. Sigaw ni Mrs. Empeño, ilabas na ni Palparan ang kanyang anak na si Karen at si Sherilyn Cadapan. Kahit saan pa raw ito ikulong at mabulok, hindi na raw makapagtatago pa ang tinaguriang berdugo. Si Palparan ang itinuturong “utak” ng pagkawala ng UP students na sina Karen at Sherlyn noong 2006. Nagbibigay ng lecture sa mga magsasaka sa isang bayan sa Bulacan ang dalawa nang dukutin. Mula noon, hindi na nakita ang dalawa. Si Palparan ay dating commander ng Army’s 7th Infantry Division na nakabase sa Nueva Ecija. Nahuli siya isang buwan na ang nakararaan sa isang apartment sa Sta. Mesa. Tatlong taon na nagtago si Palparan.
Maraming nadismaya nang pahintulutan ng korte ang kahilingan ni Palparan na mailipat sa Army Custodial Center. Ayon sa korte, nanganganib ang buhay ni Palparan sapagkat target siya ng mga rebeldeng New People’s Army. Isang squad umano ng mga rebelde ang may balak pumatay kay Palparan sa loob ng jail. Binigyang bigat ng huwes ang banta sa buhay ng dating Army general.
Hindi naman maiaalis sa mga kaanak ng biktima na mabigyan ng special treatment sa Custodial Center si Palparan. Nasa piling na siya ng kanyang mga kabaro. Wala na siyang problema na may papatay sa kanya sapagkat nasa dati siyang “tahanan”. Tiyak na sasaluduhan pa siya ng mga guwardiya sapagkat dati siyang opisyal.
Mawawala lamang ang agam-agam ng mga kaanak ng mga biktima kung magiging mabilis ang paglilitis sa kaso ni Palparan. Hindi sana usad pagong ang paglilitis. Dapat matamo na ang hustisya sa kasong ito.