Police horror!
NAKALULUNGKOT ang nangyayari sa ating bansa. Ang mga pulis na dapat sana ay mangalaga sa kaligtasan ng taumbayan ay siya pang nasasangkot sa mga krimen.
Totoong may matitinong pulis pero nagdudumilat ang katotohanang marami ang mga “bugok na itlog.” Matagal nang nangyayari ito at marami na tayong mga kababayang biktima ng “hulidap” at kung anu-ano pang kawalanghiyaan ng mga police scalawag.
Ngunit hindi lang hulidap ang kinasasangkutan ng mga bugok na pulis kundi maging droga, carnapping, at nitong nakalipas na ilang araw ay kidnapping. In fairness, hindi lang sa administrasyong ito nangyari iyan. Kahit sa mga nakalipas na administrasyon ay napapabalita na ang pagkakasangkot ng mga pulis sa mga krimen.
Pero mukhang lumalala sa administrasyong ito. Ina prubahan na ni Pangulong Benigno Aquino ang pagbibigay ng reward upang mapabilis ang pagtugis laban sa pito pang pinaghahanap na pulis na kasangkot sa robbery/kidnapping na naganap sa EDSA Mandaluyong noong aprimero ng buwang ito. ’Yung dalawa na may mataas na katungkulan ay naaresto na.
Ayon kay DILG Sec. Mar Roxas naglunsad na ng malawakang manhunt operations laban sa mga suspek na sina Sr. Inspector Oliver Villanueva, mastermind sa krimen; SPO1 Ramil Hachero, PO2 Weavin Masa, PO2 Mark Depaz, PO2 Jerome Datinguinoo, PO2 Ebonn Decatoria at ang nadismis sa serbisyo noong 2006 na si dating Inspector Marco Polo Estrera
Sana lang, mag-focus ang pamunuan ng PNP sa paglilinis sa hanay ng pulisya upang hindi tuluyang mahawa ng mga bugok na itlog yung ilan pang matitino. Sa gitna ng lumulubhang kriminalidad, sino pa ang maaasahan ng taumbayan na mangalaga sa kanilang kaligtasan at seguridad kung pati pulis ay kriminal din?
Huwag naman sanang sabihing masyadong negatibo ang media. Kung walang negatibong balita, walang maibabalitang negatibo. At kaya ibinabalita ito ay upang maituwid ang mali.
At papaano makaka-akit ng dayuhang mamumuhunan ang ating pamahalaan kung ganito katalamak ang krimen sa bansa?
- Latest