Miriam ‘gigil’ kay Abad
KAHIT sinasabing may “stage 4” cancer si Sen Miriam Santiago, hindi nababawasan ang kanyang bangis. Kamakailan ay sinabi niyang may ibinuti ang kanyang karamdamang lung cancer dahil sa oral medication na ginagamit niya at inanunsyo agad na tatakbo siya sa pagka-pangulo sa 2016.
Yung iba siguro, kapag nalamang may cancer sila kahit hindi pa malubha ay matataranta na. Iba talaga si Senadora!
At tila ang pinanggigigilang isyu ni Sen. Miriam ay ang tungkol sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na ang sinasabing “utak” ay si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad.
Ang hirit ngayon ni Senador ay magkaroon ng question hour sa Senado para “igisa” si Abad kaugnay ng kontro-bersyang ito. Ang question hour, aniya ay pinapayagan sa ilalim ng Article VI, Section 22 ng Konstitusyon.
Dito ay puwedeng tanungin ng Senado ang sino mang namumuno ng isang department ng Executive. Alam naman nating walang renda ang bibig ni Miriam kapag rumepeke. Walang sinasanto. One of a kind ang lady senator na ito kaya humanda si Abad. Sa Lunes ay maghaharap sa Senado ng resolusyon si Santiago upang obligahing dumalo sa Senado si Abad at magpaliwanag sa DAP.
Sa tingin ko ay seryoso si Santiago dahil ang Senate President mismo ay itinuturong pinakamalaki ang nakuhang pera mula sa DAP. Tinatayang nasa P1 bilyon ito. Dapat din daw bitbitin ni Abad sa Senado ang listahan ng kabuuang DAP na naipamahagi sa mga senador at kongresista. Dapat din aniyang tukuyin ni Abad kung ano-anong proyekto ang pinondohan ng DAP.
Sabagay ay may sentido ang gustong ito ni Miriam. Kailangang marinig ng taumbayan ang buong paliwanag ng Ehekutibo pati na ang mga solons kung paano ginamit ang limpak-limpak na pondong ipinagkatiwala sa kanila. Pera iyan mula sa ibinabayad na buwis ng mamamayan.
Pero papayagan kaya ni President Noynoy si Abad na tumugon sa ipadadalang imbitasyon ng Senado? Ayon kay Santiago, wala siyang nakikitang dahilan upang pagbawalan ni Pangulong Benigno Aquino III si Abad at wala ring dahilan si Abad para tumanggi.
- Latest