Mabuti na lang!

ISANG Toyota Revo na may lamang anim hanggang walong improvised explosive device (IED) ang nahuling nasa loob na ng paradahan ng NAIA Terminal 3 noong Lunes ng umaga. Tatlong tao ang nasa loob ng sasakyan at nahuli sa akto ng pagbubuo na ng mga IED. Ilang baril din ang nasabat mula sa mga suspek. Ayon sa NBI, nakatanggap daw sila ng tip noong nakaraang buwan hinggil sa planong bombahin ang NAIA terminal 3. Kinumpirma na lang noong Linggo ng gabi na ang sasakyan ay nasa NAIA na.

Mabuti na lang at nasabat ang mga suspek at napigilan ang pagbobomba. Hindi ko maisip ang pinsala at kaguluhan dulot ng pagsabog ng mga bomba. Pati imahe ng bansa maaapektuhan dahil sa paliparan pa sana magaganap. May balita na hindi lang NAIA 3 ang target kundi pati na rin ang kalapit na mall. Pero hindi ko matanggal sa isip ko na kung walang natanggap na tip ang NBI, nangyari na nga ang krimen.

May checkpoint bago makapasok sa NAIA 3. Sa totoo nga, may checkpoint bago makapasok sa lahat ng terminal ng NAIA. Kaya paano nakalusot ang sasakyang may mga baril at bomba? Kasi maluwag na naman ang security. Kahit ako alam ko ito. Noon ay pinatitigil ang sasakyan, pinabababa ang salamin at pinabubuksan pa ang glove compartment. Ngayon, kung sa tingin ng mga guwardiya ay “okay” naman ang pumapasok na sasakyan, pinadederetso na lang. Naging mahigpit lang noong may tinambangang mayor ng Zamboanga sa terminal 3 din kung saan napatay ang mayor at tatlong kamag-anak. Nakatakas pa ang mga salarin. Pero lumuwag na naman kaya siguro naisip ng mga terorista na ito na ang kanilang pagkakataon. Sigurado mahigpit na naman ngayon.

Hindi pa matiyak kung kanino kaugnay ang mga na­huling suspek. May imbestigasyon pang ginaganap. Pero maliwanag na terorista ang mga ito, na ang pakay ay magtanim nang matinding takot at pangamba sa bansa. Pero ganito na lang ba kadali gumawa ng mga ganitong klaseng krimen ngayon? Isama na rin natin ang panunutok ng baril sa EDSA. May insidente na naman ng panunutok sa gitna ng EDSA. Parang napakadaling manutok ng baril ngayon, kung kailan naghihigpit ang PNP sa pagbibigay ng lisensya ng baril. Parang walang batas hinggil sa panunutok ng baril na kahit sa kalagitnaan ng trapik sa pangunahing kalsada ng Metro Manila ay napakadaling gawin.

Show comments