KAPAG may usok may sunog. Paiimbestigahan ko sa Kongreso ang reklamo ng 774 OFWs na umeskapo sa Libya na minaltrato sila ng mga nangangasiwa sa Italian ship na naglikas sa kanila mula Libya hanggang Malta para sumakay ng chartered Philippine Airlines pauwi sa Pilipinas.
May discrimination diumano sa kanila.
Bagamat binayaran daw ng DFA ng US $1.8 million ang may-ari ng barko, ang mga kuwarto raw na nakalaan para sa ating mga kababayan ay basta-basta na lang inaagaw ng mga ibang lahi. Kaya karamihan ay sa sahig na lang ng barko natulog.
Para makakain ay pinapipila muna sila ng mga apat na oras at ang pagkain at tubig na binibigay ay hindi naman sapat.
Kung totoo ang mga reklamong ito, hindi ako papayag na walang matatanggal na mga taga-DFA at DOLE.
Ayun sa R.A. 8042, ang “highest priority concern” ng DFA at ng Philippine foreign service ay protektahan ang OFWs.
Ang Labor Code naman ay nag-aatas sa DOLE na protektahan ang OFWs.
Samakatuwid, dala-dalawang malalaking departamento ng gobyerno na may mga malalaking budget ang may obligasyon ng pangalagaan ang kapakanan at protektahan ang OFWs.
Aalamin ko kung ang $1.8 million na ginasta ng DFA ay nanggaling sa budget nito o sa OWWA.
Hindi dapat ginagasta ang OWWA funds para sa proteksyon ng OFWs dahil obligasyon ng DFA at DOLE na protektahan sila kaya ang gumagasta dapat ay ang dalawang nabanggit na departamento.
Ang OWWA funds ay dapat itinutuon lamang sa retirement to reintegration ng mga OFWs at iba pa nilang pangangailangan – hindi ito para sa mga gastusin na dapat ang gobyerno ang sumasagot.