ANG ibig sabihin ng ROSE ay Respect Our Security of Employment. Marami ang nag-aakala na para matigil na ang kontraktuwalisasyon, kakailanganin pa ang bagong batas na susugpo nito.
Ito ay maling akala. Ang ating Constitution ay matagal nang nag-uutos na bigyan ng katatagan sa trabaho o security of tenure ang mga manggagawa (Section 3 Article XIII).
Ang Labor Code naman ay nagsasaad na kapag ang trabaho ng isang manggagawa ay “necessary” o “desirable” sa business o trade ng employer, dapat ang turing sa kanya ay permanent o regular na kaagad-agad “written contracts to contrary notwithstanding” (Article 280) kaya walang bisa ang mga kontrata na pinapapirmahan sa kanila na hanggang five months lamang sila sa trabaho.
Dahil dito, wala na dapat mga Endo o contractual lalo na sa shopping malls dahil ang trabaho ng sales girls ay “necessary” o “desirable” sa negosyo ng mga amo nila. Ganundin hinggil sa trabaho ng waiters at waitresses sa chain restaurants.
Ang problema lang ay walang nagpapatupad sa nasabing batas.
Obvious na kaya nagbubulag-bulagan lang ang mga pulitiko tungkol sa kontraktuwalisasyon ay dahil may mga utang na loob sila sa mga hari ng kontraktuwalisasyon dahil sa malalaking campaign donations na binibigay sa kanila tuwing election period.
Pati mga eroplano at helicopter ng mga nasabing hari ay hinihiram ng mga pulitiko para makaikot sa buong Pilipinas.
Kaya hindi patas sa mga manggagawa ang sitwasyon.
Ang ROSE Movement ay isang mapayapang kilusan na ang hangarin ay pagkaisahin ang mga manggagawang Pilipino na ma-level ang playing field sa relasyon nila sa mga negosyante.
Tama ang kasabihan na “in unity there is strength o united we stand, divided we fall”. Kaya inaanyayahan ko ang lahat ng mga Endo, government casuals, jobless, OFWs at mga underemployed na sumali sa The ROSE Movement. Bisitahin ang facebook page: www.facebook.com/rosemovementph