Ika-5 SONA ni P-Noy

Fifth SONA ni P-Noy ay maayos sana

kundi may namali sa mga bisita;

Ang kababaihan damit kay gaganda

at parang sinampal ang maraming dukha!

 

Mistulang fashion show ang doo’y naganap

congressmen, senators ang pumapalakpak

Sa halip matuwa Pangulo’y naiyak

dahil nagunita magulang na tapat

 

Si Ninoy at Cory kung ngayo’y buhay pa

mga kaalyado’y sasabihan nila

sa inyong pagdalo sa nasabing SONA

magdamit ng simple at hindi pabonga!

 

Mayayamang tao’t sa lipuna’y litaw

pawang imbitado’t doo’y nagdatingan

milyong mahihirap ay nasa lansangan

hingi’y pagbabago ng mga mayaman!

 

Dapat daw ay dukha ang unang kalungin

at hindi ang leaders na sa pera’y lasing;

Tahanan ng dukha ang unang tapusin

ang mga binagyo bigyan ng pagkain!

 

Samantalang doon sa labas ng Congress

taong mahihirap pawang nagtitiis

babae’t lalaki ay damit pambukid

kaya kitang-kita sila’y naggigipit!

 

Kawawa ang ating mga mamamayan

dahil kay Napoles at sa DAP na iyan;

ating mga leaders pawang hindi alam

na sila ang salot dala’y kahirapan!

 

Sa taong susunod budget ng gobyerno

pagkalaki-laki saan punta nito?

baka raw gamitin sa PDAF, DAP ito

kawawa na naman tayong Pilipino!

 

Show comments