INUUBO ka ba? Kung mayroon, hindi ka nag-iisa. Ano ba ang pinanggagalingan ng ubo?
Ang ubo ay puwedeng dahil sa trangkaso (flu), sipon at ubo (common colds), allergy, sigarilyo (smoker’s cough), pulmonya (pneumonia), namamagang tonsils (tonsillitis) at tuberkulosis.
Sa mga sakit na ito, ang pulmonya at tonsillitis lang ang nangangailangan inuman ng antibiotics, tulad ng Amoxicillin. Ang tuberculosis naman ay ginagamot ng 6 na buwan ng TB medicines.
Subalit para sa pangkaraniwang sanhi ng ubo, tulad ng trangkaso, sipon at allergy, heto ang mga puwede nating gawin:
1. Uminom ng 8-12 basong tubig – Ayon sa mga pulmonary experts, tubig lang talaga ang pinakamabisang gamot sa ubo. Pinapalabnaw kasi ng tubig ang madidikit na plema. Kapag lumabnaw na ang plema, mas madali natin ito mailalabas.
2. Uminom ng mainit na salabat o sabaw ng manok – Malaki ang tulong ng salabat at luya para maginhawahan ang lalamunan natin. May panlaban din ito sa bacteria at nakaaalis ng kati ng lalamunan. Ang pag-inom naman ng mainit na sabaw ay nagpapaluwag din ng mga tubo natin sa baga.
3. Itigil ang paninigarilyo – Ang sigarilyo ay nakapagdudulot ng emphysema, isang klaseng sakit kung saan nabubutas at nasisira ang ating baga. Kapag lampas ka sa 10 stick ng sigarilyo bawat araw, siguradong may tama na ang inyong baga. Sorry po at walang gamot para sa smoker’s cough. Itigil ang yosi.
4. Uminom ng Vitamin C – May mga pagsusuri na nagpapakita na ang pag-inom ng Vitamin C 500 mg ay nakatutulong sa paglakas ng ating immune system.
5. Umiwas sa nakaka-allergy na bagay – Maraming ubo ang nanggagaling sa allergy. Puwedeng magka-allergy sa usok, sa balahibo ng pusa at aso, sa matatapang na pabango, at sa mga pollen ng mga halaman. Umiwas sa mga bagay na ito. Puwede rin uminom ng Loratadine 10 mg tablet para sa allergy.
6. Gamot para sa ubong may plema – Puwede ding uminom ng mga gamot tulad ng carbocisteine, ambroxol at bromhexine para lumabnaw ang plema.
7. Gamot para sa tuyong ubo (dry cough) – Para sa nakaiistorbong ubo, yung tipong hindi ka patutulugin, uminom kayo ng butamirate citrate (brand name Sinecod). Mabisa ito.
8. Magpahinga at iwas bisyo – Huli sa lahat, ang kailangan ng ating katawan ay pahinga. Kapag kumpleto ang tulog natin ay dahan-dahang lalakas ang ating katawan. Tanggal ang ubo. Good luck po.