Alis d’yan

Anong dapat gawin ng mga mahirap

ngayong bigumbigo ang mga pangarap?

sila’y nanalunton sa tuwid na landas

pero ang naroon ay maraming ahas!

 

Doo’y nakita rin ang b’yahe ng tren

sa mga probins’ya di na dumarating;

mga daambakal pawang kalawangin

sa tambak na pera ng mga bus owner!

 

Tahanan ng dukha sa tabing estero --

sabi’y ililipat sa tahanang bago;

pero hanggang ngayon pawang delikado

pagkat di natupad ang mga pangako?

 

Pagdaan ng bagyo at malaking baha

mga bahay, tao tiyak ang pinsala;

maraming pamilya ang magsisiluha

dahil sa nagkulang ang namamahala?

 

Sa bayan at nayon at pook na liblib

mga nakatira’y hindi umaalis;

pagyanig ng lupa lubhang mapanganib

natibag na bundok -- libingang mapait!

 

Libu-libong tao ngayo’y naghahanap

ng mga gabaho na lubhang mailap;

kahit mapanganib ay kanilang tanggap

trabaho sa abroad na dito ay salat!

 

Kaya anong buhay ang darating kaya

sa mga mahirap na ngayo’y kawawa?

wala silang bahay at pagkai’y wala

tulad ng nangyari doon sa Visayas?

Kailan kikilos ang nasa gobyerno

na ang mahihirap ay tulungan ninyo?

pera at donasyong napunta sa inyo

di dapat napunta sa iilang tao!

Show comments