DAP masahol kaysa PDAF - ex-CJ Puno
MADALING magagap ang 13-0 ruling ng Korte Suprema na ilegal ang presidential pork barrel na Disbursement Acceleration Program (DAP). Hindi lang ‘yon, mas masahol ang DAP kaysa congressional pork barrel na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na dineklara rin ng Korte na unconstitutional. ‘Yan ang pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno sa TV interview nitong nakaraang linggo.
Patutsada kay Presidente Noynoy Aquino ang mga salita ni Puno. Umangal kasi si P-Noy na hindi maintindihan ang pasya ng Korte. Tinawag din niyang “mas masahol kaysa DAP” ang Judicial Development Fund na pork barrel umano ng Korte.
Simple ang rason sa pagbasura ng Korte ang PDAF, paliwanag ni Puno. Ito’y dahil, sa paggawa ng mga mambabatas ng sari-sariling proyekto, pinanghihimasukan nila ang poder ng Ehekutibo. Pero, giit niya, merong batas na nagtakda ng PDAF -- ang taunang budget law. Kaya walang sala ang mga mambabatas. Maari lang sila kasuhan kung nagkataon na may katiwalian sa mga proyektong PDAF nila.
Taliwas ang DAP, ani Puno. Walang batas na nagpapahintulot sa Presidente na kunin ang pondong nilaan ng Kongreso sa detalyadong mga proyekto para ilipat sa ibang proyekto. Wala ring batas na nagpapahintulot sa kanya na pondohan ang kung anu-ano na lang na maisip ng proyekto na hindi naman inaprubahan ng Kongreso. Dahil dito, mananagot agad ang mga kumatha at nagpatupad ng DAP, ani Puno. Kaya nga, ngayon pa lang, meron nang mga nagbabalak ihabla agad nang malversation si Budget Sec. Florencio Abad. Isusunod nila si P-Noy oras na bumaba sa puwesto at mawalan ng immunity from suit.
Mas kabisado ni Puno ang batas kaysa kay P-Noy na hindi abogado.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest