Laging magkasama mabuti’t masama
ANG lahat nang bagay ay nasa pangangalaga ng Diyos. Nagmula ito sa katarungan, nagpakita ng habag, lakas sa nag-aalinlangan, pinarurusahan ang mga nangangahas ng kasamaan, ngunit sa mahabagin ay nagbibigay ng pag-asa. Higit sa lahat ay tinutulungan tayo ng Espiritu Santo sa ating kahinaan at nananaliksik sa ating puso at isipan.
Ang ebanghelyo ay inilahad ni Hesus na ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang manghahasik ng mabuting binhi ng trigo sa kanyang bukid. Habang natutulog ang mga tao ay dumating ang kaaway at naghasik nang masamang damo sa triguhan. Sabay silang tumubo. Ito ang katugunan sa nagaganap sa sandaigdigan na hindi puwedeng paghiwalayin ang mabuting tao at masama hanggang sa paghuhukom ng Panginoon.
Magreklamo man ang manggagawang alipin sa may-ari ng lupa ay walang magawa kundi hayaan munang tumubo ng sabay ang trigo at masamang damo at sa anihan ay doon paghihiwalayin ang trigo, ilalagay sa kamalig at susunugin naman ang masamang damo. Ang trigo ay simbolo ng mabuting tao at ang masamang damo naman ay masamang tao para sa apoy ng impiyerno. Manalangin tayo nang wasto upang mapasama tayo sa kalangitan.
Ang paghahari ng Diyos ay tulad din sa nagtanim ng isang butil ng mustasa. Ito ang pinakamaliit na binhi; pag naitanim na at tumubo ito ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng damo. Tayo ang nilikha ng Diyos na tulad sa maliliit na butil, subalit pagkalikha sa atin at pinagbuti natin ang ating pagkatao ay katulad tayo ng mustasa na pinagyaman ng Diyos ayon sa ating kabutihan at kabanalan. Tayo ay uunlad sa ating pagkatao at pakikinabangan pa ng Diyos ang ating kabutihan sa pagtulong sa ating kapwa.
Ang ating kabutihan ay tulad sa lebadura na matapos ihalo sa ating pagkatao ito’y mananagana para sa kapakinabangan ng ating kapwa. Si Hesus ang nagbibigay o naghahasik sa atin ng pagpapala ayon sa ating mabu-buting gawa. Tayo ang mabuting binhi na paghaharian ng Diyos. Ang mga anghel sa langit ang tagapag-ani sa ating mga matuwid, sila ang maghahatid sa atin mapayapang tahanan ng ating Ama sa langit.
Karunungan 12:13, 16-19; Salmo 85; Roma 8:26-27 at Mateo 13:24-43
* * *
Happy birthday to Rhea Bejar.
- Latest