Manila Dialysis Center para sa mahihirap

Patuloy na umaani ng papuri at suporta ang proyektong Manila Dialysis Center para sa mahihirap na kidney patients sa lungsod, na magkatuwang na itinataguyod ng inyong lingkod at ni Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Ang kidney disease ay isang malaking problema ng mga kababayan at isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan nang marami lalo nang mahihirap.

Base sa impormasyon, “Kidney diseases, especially End Stage Renal Disease (ESRD), are the 7th leading cause of death in the Philippines.”

Iniulat naman ng Department of Health (DOH) na noong 2013, mahigit 23,000 Pilipino ang kinailangang sumailalim sa dialysis dahil sa kidney disease.

Sabi ni Mayor Erap, “Maraming mahihirap ang namamatay na lang dahil hindi kaya yung sinisingil at paggamot sa dialysis…eh madalas pa ay two sessions sila a week so the poor can’t afford that.”

“This Manila Dialysis Center is part of our comprehensive health care program especially for the poor. Libre ito para sa mga mahihirap. Health care is a major component of our governance,” dagdag niya.

Prayoridad ng aking adbokasiya ang mga programang pangkalusugan at ayudang medikal sa ating mga kababa-yang mahihirap. Partikular sa advocacy kong ito ang pagtatayo ng dialysis centers sa iba’t ibang panig ng ating bansa gayundin sa lahat sana ng government hospital.

Noong Presidente pa si Erap, nagpatayo na rin kami noon ng dialysis center sa bisinidad ng Malacañang. Nakalulungkot isipin na nahinto ang naturang programa at serbisyo.

Ngayong naisulong namin ni Mayor Erap ang Manila Dialysis Center ay umaasa kami na makatutulong ito nang malaki sa maraming pasyente.

Ilan sa mga inisyal na sumuporta sa proyektong ito ay ang mga barangay ng Maynila sa inisyatiba ni Vice Mayor Isko Moreno, gayundin ang All Nations Women’s Group ng YMCA.

Show comments