SA pang-aagaw ng China ng mga bahura, umiiwas ang Pilipinas sa giyera. Imbis na sagupain ng Navy natin ang mga barko ng China sa Scarborough Shoal, Mischief Reef, at limang pinapatag na bahura sa West Philippine Sea, dumulog tayo sa UN. Pinahahatol natin sa kung sino sa dalawang bansa ang may karapatan sa mga bahura na sakop ng ating 200-mile exclusive economic zone at 800 miles ang layo sa China.
Manalo man tayo sa UN, hindi titigil ang China. Sinabi na ‘yan ng mga lider-Komunista nila. Lalo nilang dadaanin sa lakas militar ang usapin. Palalawakin ng China ang teritoryong dagat at paliliitin ang sa Pilipinas. Dahil ang Scarborough ay 120 miles mula Zambales, aangkinin nila ang kalahating 60 miles, para 60 na lang din ang matirang EEZ ng Pilipinas.
Ganyan ang ginagawa ng China ngayon sa Paracel Islands sa gilid ng Vietnam. Naglagay sila ng giant offshore oil rig. Pinaaalis sila ng maliliit na Vietnamese patrol boats, pero isa rito ay pinalubog ng China.
Sa pambubusabos ng China, mapipilitang humarap ang militar ng Pilipinas. Sinasabing wala tayong laban. Kokonti lang ang ating tropa, barko, at fighter jets. Malamang daw matalo tayo.
Pero mamamayan, hindi mga bagay, ang nagpapasya sa giyera, ani Mao Tse-tung. Napatunayan ito nang manalo ang masang Tsino sa rebolusyon laban sa Hapon at sa Kuomintang nu’ng 1949. Gan’un din nu’ng 1975 nang manalo ang Vietnam laban sa America. Umatras ang mga Kano dahil mismong mamamayan nila ay umayaw na sa giyera. Hindi matanto ng mga Kano kung bakit kailangang masawi ang kanilang mga ama, anak, at kuya sa ibang bansa na may karapatang kalayaan.
Maaring gan’un din ang mangyari sa China — umayaw ang mga mamamayan sa giyera. Lalo na kung malagas ang kalalakihan nila. One-child policy ang China. Maghihinagpis ang mga pamilya -- tulad nu’ng mag-crash ang Malaysian Airlines Flight MH-370 -- kapag mamatayan ng kaisa-isang anak. At kung manalo tayo, ano ang ating gagawin?