Mamemeke

NOONG nakaraang linggo sinalakay ng mga operatiba ng Manila Police District at Manila City Hall ang pugad ng gold finger na responsible sa pamemeke ng mga credential at public document. Siyempre kasama si Mayor Erap Estrada sa eksena kasi naman maging ang mga business permit at permit to carry firearms ay nakopya ng mga dalubhasang mamemeke. Kaya nagresulta ito ng pagkatiklo sa halos mahigit sa isang dosena katao at paldo-paldong dokumento. Dinala sa MPD headquarters Legal Office na pinamumunuan ni CInsp. Dennis Wagas ang mga personel na nahuli sa puwesto. 

Sa pag-usisa ng mga kapulisan ni isa’y walang uma-ming illegal ang kanilang ginagawa dahil ang katwiran nila ay tumutulong lamang sila sa mga taong nanga-ngailangan ng dokumento kahit na buking na sila sa kanilang mga modus operande, hehehe! Ngunit papayag ba naman si Erap sa kanilang kalokohan, siyempre hindi dahil pinatuluyan silang iasunto sa piskalya ng Manila.Ngunit matapos lamang ang ilang araw pagsasara ng kanilang illegal na negosyo, muli na naman akong  nakatanggap ng impormasyon na muli na namang namamayagpag ang mga tinaguriang gold finger ng Recto iyon nga lamang ibang estilo na ang kanilang modus.

Kasi sa ngayon patago na ang kanilang operasyon sa Recto matapos na mahintakutan sa bagsik ni Erap.  Ngunit papayag ba naman sila na magutom ang kanilang pamilya, siyempre hindi. Di ba mga suki? Kaya sa ngayon mara-ming canvasser na nagkalat sa sidewalk ng Recto na nag-aalok ng mga pekeng document sa  mga tusong tao na nangangailangan na pang-abroad at illegal na transaction. Pag nagkasundo kasi ang canvasser at parukyano ipuproseso na ito sa mga lihim na printing press sa mga eskinita ng Recto na di pa umano alam ng mga pulis ni Asuncion. Kayo sa tingin n’yo mga  suki, kaya kayang mapatigil ni Erap ang matagal nang kalakaran diyan sa kanyang bagong kaharian?

Maaring masasabi kong kaya naman talaga, iyon nga lamang ay kung sinsero itong kapulisan sa MPD heaquarters at Police Station-3 na bantayan ng round the clock ang naturang lugar. Sa totoo lang mga suki, trabaho ito ng District Intelligence Division ng MPD at ng Sta Cruz/Central Market Police Station-3 na di dapat na pabayaan, dahil oras na malingat lamang sila tiyak na magpipista na naman itong sindikato sa kanilang illegal na negosyo. Kaya ang panawagan ko rito kay Erap at MPD director CSupt. Rolando Asuncion ipakalat ang iyong mga Intelihensya este Intelligence Unit nang tuluyang maparalisa ang sindikato na responsible sa pamemeke ng mga dokomento. Idagdag n’yo na rin ang paghalukay sa mga paninda ng mga herbal medicine diyan sa Evangelista dahil naglipana na naman ang abortion pills. Abangan!

 

Show comments