Maliit ang Pilipinas

Maliit ang ating bansang Pilipinas

Kumpara sa mga bansang malalakas;

Pagmasdan mo sa mapa ating mamamalas

Ang US, ang Russia malaking di hamak!

 

Isa pang malaki ay ang bansang China

Bukod sa malawak maraming tao pa;

Mga bansang ito kapagka nanggiyera

Itong ating bansa’y bura na sa mapa!

 

Kaya lang ang ating bansang minamahal

Kahit na maliit malaya’t marangal;

Kalayaan nati’y pinakamamahal

Maubos man tayo ay handang mamatay!

 

At saka ang bansa kahit na maliit

Maraming biyayang dito’y mamamasid;

Ang likas na yaman ay nakapaligid

Sa dagat at bundok sa bayan at bukid!

 

Minsan ay may nakita ang mga dayuhan

Buhangin ng bansa ay pinag-intresan;

Ito’y patotoong likas nating yaman

Kahit na buhangin-perlas na makinang!

 

Kaya huwag sanang bansa ay sakupin

Ng bansang’malaki’t  malakas sa atin;

Bansang maliliit na katabi natin

Tiyak na papanig sa ating layunin!

 

 Bansang malalakas kung kayo’y tahimik

Kayo ay malayang sa ami’y lumapit;

Kayamanan likas na nakapaligid

Ibibigay naming kung kayo’y kapatid!

 

Show comments