NAGSIMULA na ang pasukan sa lahat nang paaralan. Pero katulad ng binanggit ko, hindi pa tapos ang mga proyekto sa ilang kalsada na sinimulan lang ilang linggo bago nagsimula ang pasukan. Hindi ko talaga maintindihan ang katwiran kung bakit kung kailan magpapasukan na ay ngayon pa sila maghuhukay ng kalsada at maglalatag ng mga malalaking tubo.
Mabuti na lang at hindi pa bumubuhos ang ulan. Mainit pa rin ang panahon, na maaaring ito rin ang dahilan kung bakit mabagal ang trabaho. Pero hihintayin pa bang bumuhos ang ulan at babaha sa mga kalsada?
Babala nga ng isang ahensiya ng United Nations na baka ito ang pinakamasamang El Niño ng Pilipinas sa loob ng labimpitong taon. Kung mababawasan ang ulan pero malalakas na bagyo naman ang maaaring tumama sa bansa, malaking problema na naman ito para sa bansa na hindi pa nga lubusang nakakabangon mula sa Yolanda at iba pang kalamidad na tumama noong isang taon. Napakatindi pa nga ng init ng panahon, kahit pumasok na ang Hunyo. Noong araw, umuulan-ulan na sa panahong ito.
Kung magtagal pa ang init ng panahon, maaapektuhan na ang mga tanim. Dahil sa mahabang tagtuyot, nalalanta na lang ang mga palay at gulay, at hindi na mahango. ApekÂtado ang kabuhayan ng mga magsasaka, at tataas naman ang presyo ng pagkain dahil hindi napakinabangan ang mga tanim.
Kaya sana ay handa ang gobyerno para sa mga nagbabadyang problemang ito, pati na rin ang mamamayan. Maayos na ba ang kakayanan ng gobyerno rumesponde sa kalamidad tulad ng bagyo at lindol? May sapat ba na pagkain para sa lahat, at hindi lang para sa mga mayayaman? Kung bumuhos na ang ulan, hindi na ba magbabaha? Nag-aalala lang ako na kung magkaroon ng kalamidad, magturuan na naman ang lahat.