‘Sa kulungan ka MAPIKON’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
ANG PAGGULONG ng HUSTISYA para sa mga naulila ng biktima kung minsan talaga namang lubhang nakapatagal. Subalit ang lahat ng paghihintay ay naiibsan kapag nakamit mo ito at makita na nasa loob ng selda ang taong nagdala ng malaking dalamhati sa inyong buhay.
“Sa simpleng debate pinagbabaril niya tatay namin,†ani ng magkapatid.
Nagbalik sa aming tanggapan sina Welsie at Ophelia Maquirang.
Lumapit sa amin sina Welsie nung taong 2007 para ihingi ng tulong ang pagkamatay ng ama nilang si Federico “Peding†Maquirang—noo’y 57 anyos.
Maalalang una na namin naitampok sa aming pitak ang sinapit ni Peding matapos pagbabarilin. Pinamagatan namin itong “Napikon sa debate†at “Warrant para sa pikonâ€.
Tubong Aklan si Peding. Dati siyang nagtrabaho bilang gwardiya sa Maynila. Nakapagtrabaho rin siya sa ‘restaurant’ hanggang dalhin siya ng kanyang paa sa Romblon.
Dito niya nakilala ang asawang si Salome Galang Maquirang. Tubong Comod-om, Alcantara, Romblon.
Pagkokonstraksyon ang kinabubuhay ni Peding at ang pag-aasin.
Lumaki ang kanilang pamilya at umabot sa anim ang kanilang anak.
“Ang problema lang siguro kay tatay, maingay siya kapag nalalasing,†ani Welsie.
Ika-18 ng Abril 2007, bandang 5:40 ng umaga dumating ang bisita nila galing Maynila si Rey Nacor. Pumunta ito ng Comod-om para bumoto.
Inabangan nila Peding at Johnny Galang—kanilang tiyuhin ang kanilang bisita. Pagdating nito, nagsimula silang magtagayan ng lambanog.
Nagkwentuhan ang tatlo at napag-usapan ang tungkol sa libreng ‘passes’ sa barko galing sa pulitiko na tumatakbo nun sa kanilang lugar dahil nga eleksyon.
Nagsalita si Peding, “Mabuti ang leader dyan, maraming pera.â€
Hindi daw nagustuhan ni Johnny ang tono ng pananalita ni Peding at pakiramdam nito pinariringgan siya nito.
Nagtalo na ang dalawa at umabot sa pagbabanta si Johnny.
“Huwag mo akong lolokohin baka patayin kita!†sabi daw nito kay Peding.
Dumampot ng putol na kawayan si Johnny na ipapalo sana sa biktima subalit naawat sila. Umalis itong si Johnny.
Habang nasa bahay na si Peding at kumakain ng almusal bigla na lang bumalik si Johnny lulan ng kanyang motor na may noo’y may dala ng baril.
Walang anu-ano binaril niya si Peding sa dibdib.
Nanakbo si Peding palabas subalit bumagsak na siya sa lupa. Patay siya agad. Mabilis namang tumakas si Johnny.
Nagsampa ng kasong Murder sina Welsie laban sa tiyuhin sa Prosecutor’s Office ng Romblon.
Tumayong testigo sa kaso ang noo’y 10 taong gulang na kapatid ni Rey. Ito raw ang saksi sa nangyaring pamamaril.
Kwento nito, inutusan siya ng kapatid nun na dalhin ang bagahe. Pauwi na siya nun malapit sa bahay ng biktima ng makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nakita niya umanong binaril ni Johnny si Peding sa labas ng bakuran nito.
Nang matumba ang biktima naabutan niyang kinuha ni Johnny ang karet kay Peding at mabilis na umalis sakay ng kanyang motorsiklo.
Nailabas ang ‘warrant of arrest’ laban kay Johnny Galang para sa kasong Murder.
Mula nun nagtago na si Johnny at hindi na nagpakita sa lugar.
Ika-14 ng Mayo 2014, matapos ang pitong taon… nakatanggap kami ng tawag galing kay SPO1 Allan Mazo Fruelda, ng Romblon Provincial Police.
“Nahuli na po namin ang wanted na si Johnny Galang…†balita ni SPO1 Fruelda sa amin.
Ayon sa kanya, namataan nila itong si Johnny sa kanilang lugar. Naitabi nila ang artikulo na isinulat namin sa PSNgayon at larawan nitong si Johnny kaya’t ng mamukhaan nilang ito ang suspek sa pagpatay kay Peding agad nila itong dinakip.
Ang mga taong trumabaho dito kay Johnny para mahuli siya ay sina PO3 Raymond Mar Rivas, Romblon Criminal Investigation Division (CID) na pinamunuan ni SPO1 Carlos Nanasca.
Kinapanayam namin sa radyo si SPO1 Fruelda. Kinumpirma niyang nahuli na nga nila itong wanted na si Johnny.
“Kami po at ng buong kapulisan ay nagtatrabaho para sa pagdakip sa mga suspek na katulad ni Johnny na matagal ng nagtatago sa batas,†ani SPO1 Fruelda.
Kinabukasan, Ika-15 ng Mayo 2014, nagbalik sa amin ang dalawang anak ni Peding na si Welsie at Ophelia.
tinampok namin silang muli sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT†ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN).
“Malaki po ang aming pasasalamat dahil matapos ang mahabang taon… nahuli na rin ang pumatay sa ama ko…†ani Welsie.
Katanungan nila Welsie, matapos mahuli si Johnny ano bang kahihinatnan ng kanilang kaso?
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kina Welsie at Ophelia na dahil matagal na nagtago si Johnny ang kaso ay itinago muna sa mga ‘filing cabinet’ na hindi gumagalaw dahil ‘di pa nahuhuli ang suspek (archive).
Ngayong nahuli na si Johnny, maari nang iharap sa ‘judge’ ang suspek na ito para ipagpatuloy ang kaso.
Diretso naming sinabi kina Welsie na baka naman sa hinabahaba ng pagtugis sa taong ito… at ngayon abot kamay na nila ang katarungan baka magpaareglo at magpabayad lamang sila?
Pautal-utal na sinabi ni Welsie na ang ilan niyang pamilya ay may balak na ayusin na lang ito.
Sinabi namin kay Welsie na hindi kami manghihimasok sa desisyon nila sapagkat sila naman ang magdadala… na ipinagpalit nila sa pera ang buhay ng kanilang ama. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.
- Latest