NGAYON ang umpisa ng klase sa elementarya at high school sa pampublikong paaralan. Tiyak na magkakaroon na naman ng mabigat na trapiko sa Metro Manila. Marami na namang motorista ang magdurusa. At tiyak na madadagdagan ang dusa sa mga darating na araw sapagkat nagpapahiwatig na ang pagsapit ng tag-ulan. Tuwing hapon, madilim na ang kalangitan at sala-salabat na ang mata-talim na kidlat. At kapag sumapit ang tag-ulan, iisa lamang din ang ibig sabihin nito --- magkakaroon na naman ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila. Inaasahan na ang ganitong senaryo kung tag-ulan. Matagal nang panahon na problema ang pagbaha at walang mahusay na solusyon ang mga nasa poder.
Maiiwasan ang pagkakaroon ng trapik at baha kung magkakaroon lamang ng political will ang mga namumuno sa pamahalaan. Taun-taon ay nangyayari ito pero tila walang sistema ang mga tanggapan ng pamahalaan na may responsibilidad dito. Dedma lamang sila.
Kung mayroon lamang magandang plano ang Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi nila gagawin ang mga paghuhukay kung kailan tag-ulan. Pero dahil nga walang konkretong plano, sige lang sila nang sige sa paghuhukay sa imburnal, re-blocking at kung anu-anong pagtatapal sa mga pangunahing kalsada, particular sa EDSA. Ang ganito ay dapat ginagawa sa panahon ng tag-araw at hindi sa tag-ulan. Kapag bumaha, aanurin lamang ang tinapal sa kalsada at tiyak na inanod din ang perang ginastos na galing din sa kaban ng bayan. Dahilan din ito ng trapik. Iniiwasan ng motorista ang mga hukay.
Sumasabay din naman sa paghuhukay ang MayÂnilad at Manila Water. Ang masaklap, iniiwanan nilang nakatiwangwang at walang signage o babala ang mga hukay na lubhang delikado sa mga motorista at mga tao.
Tapusin sana ang mga paghuhukay sa lalong madaling panahon para hindi magkaroon ng trapik, baha at kung anu-ano pang abala sa kalsada. Magkaroon sana nang mahusay na plano ang mga nakasasakop sa mga gawaing ito. Pagaanin ang buhay ng taumbayan na matagal nang nabaon sa trapik at baha.