EDITORYAL - Isaayos ang MRT

NGAYONG inalis na sa puwesto si Metro Rail Transit 3 general manager Al Vitangcol, dapat isaayos na ang pamamalakad at mga sistema sa nasabing pampublikong sasakyan. At nararapat nang maging maingat ang Malacañang sa pagkuha nang permanenteng kapalit ni Vitangcol. Dapat magkaroon na leksiyon upang hindi naman malagay sa alanganin at hindi rin masakripisyo ang riding public. Sa panahon ng pamumuno ni Vitangcol labis na nahirapan ang publiko sa pagsakay sa MRT. Kulang ang coaches kaya hindi maisakay lahat ang mga pasahero. Nakatambak ang mga tao sa bawat stations at isang kilometro ang haba ng pila.

Ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ang may sakop sa MRT kaya ito may kapangyarihan para magsagawa ng pagbabago. Lutasin ang kakulangan sa coaches. Noon pa nirereklamo ang mga lumang coaches subalit walang ginagawa ang nasibak na MRT chief para madagdagan ang mga ito. Tila ba wala siyang pakiramdam sa mga taong nakapila para makasakay ng MRT. Tila wala siyang alam kung paano ang operasyon ng isang mass transport.

Marahil naging okupado ang isipan ng dating MRT manager sa maraming bagay kaya walang nagagawang hakbang para mapabuti ang ser-bisyo ng MRT.

Maraming kontrobersiyang lumutang ukol kay Vitangcol, bukod sa umano’y pang-e-extort niya sa Czech diplomat ng $30 million, nabulgar din ang pag-aaward niya ng kontrata sa isang maintenance company na pag-aari ng tiyuhin ng kanyang asawa. Ang contract ay nagkakahalaga ng P517 million. Ginawa ang contract kahit walang bidding na naganap. Ang kompanyang PH Trams ay dalawang buwan pa lamang na nag-ooperate. Nabulgar ang anomalya dahil sa PSN columnist na si Jarius Bondoc.

Maraming “kabulukan” na nakatago sa pamamalakad sa MRT. Mabuti na lamang at bago tuluyang bumagsak ang MRT ay nabisto ito. Kailangang isaayos na ngayon ang MRT. Bigyang ginhawa ang commuters na matagal nang nagsasakripisyo.

 

Show comments