KUNG magpapatupad lang ng sistema sa Philippine National Railways (PNR) katulad ng ipinatutupad sa MRT at LRT, hindi ito malulugi ng malaking halaga. Sayang. Malaking tulong pa naman sana ang PNR sa kakulangan ng transportasyon.
Bakit nalulugi? Marami kasing mga pasahero ang nakapupuslit nang hindi nagbabayad dahilan para umabot sa milyones ang pagkalugi ng PNR kada buwan.
Palibhasa’y nagdaraan ang mga tren ng PNR sa mga lugar na kinaroroonan ng mga informal settlers kaya mayroon sigurong sasampa na lang sa tren para makalibre ng pasahe. Hindi mo naman masisisi ang mga taong ito na gustong makalibre dahil sa kahirapan.
Pero kung gagawing moderno ang PNR, maaaring gumawa ng ticketing system na katulad ng LRT at MRT. Dapat, may nakabantay na tauhan ang PNR sa mga pintuan ng bawat bagon para walang makapupuslit na pasaway na pasahero.
Dapat ding seryosohin ng pamahalaan ang pag-aalis sa mga informal settlers na nasa gilid ng riles dahil ito’y danger zone. Paano kung may tren na madiskaril at bumangga sa mga residente? Peligroso iyan.
Sa hearing ng House Committee on Transportation, sinabi ni PNR General Manager Allan Dilay na 30,000 na pasahero ang hindi nagbabayad o kaya naman ay hindi nagbabayad ng eksaktong pamasahe kada buwan. Bukod diyan, may mga sumasakay na walang biniling tiket o kaya ay bumili ng ticket para sa minimum na pasaheng P10 pero bababa sa pinakamalayong destinasyon.
Kaya upang malutas umano ang nasabing problema ay balak ng gawing moderno ang ticketing system ng PNR.
Kailangan talaga ang moÂdernisasyon at malamang hindi kakayanin ng gobyerno ang halagang magagastos kung walang mga pribadong investors na mamumuhunan.
Ang halagang kakailaÂnganin ng PNR ay P270 bilÂyon para sa modernisasyon ng linya nito mula Malolos, BuÂlacan hanggang Calamba, Laguna at idadaan sa Public Private Partnership ang bahagi ng mga proyekto para maging mabigat ito sa gobyerno.