PATUNGO ngayon sa Negros Occidental si President Aquino, para sa inagurasyon ng kauna-unahang commercial solar plant sa bansa. Ang planta ay kayang gumawa ng 22 megawatts na kuryente, na tutulong sa panga-ngailangang kuryente ng Visayas. Libre nga naman ang sinag ng araw, kaya bakit nga ba ngayon lang nagtayo ng ganitong klaseng planta? Higit anim na buwan sa bawat taon ay malakas ang sinag ng araw. At kung hindi naman umuulan sa panahon ng tag-ulan, may pakinabang pa rin ang planta. Maganda sana kung kayang mag-imbak din ng kuryenteng nalikha ng planta, para sa pangangaila-ngan naman sa gabi. Siguro naman hindi kasing mahal ng karaniwang kuryente ang galing sa plantang ito. Habang sumisikat ang araw at garantisadong may kuryenteng mailalabas ang planta. Iyan ang renewable energy.
Alam kong mahal pa ang teknolohiya ng solar power, kaya siguro hindi pa makagawa nang malakihang planta para sa malalaking siyudad tulad ng Metro Manila, Cebu o Davao. Pero kapag naitayo na ay hihintayin mo na lang sumikat ang araw, may kuryente ka na! Hindi ba sulit naman ang magiging gastos sa pagtayo nito? Kapag matagumpay ang planta sa Negros OcciÂdental, kailangang pag-aralan para magawa na rin sa ibang lugar.
Ang isa pang teknolohiya na hindi pa natin nagagamit ay ang desalination, o ang plantang nagtatanggal ng asin sa tubig-dagat para maging tubig-tabang. Isangdaan dalawampung bansa sa mundo ang may desalination plant, partikular mga bansa sa Gitnang Silangan kung saan hirap sila sa tubig-tabang. Kapag meron na niyan, baka hindi na maging problema ang tubig sa panahon ng matinding tag-init, tulad ngayon. Lumampas na sa kritikal na lebel ang tubig sa Angat Dam, kaya pansamantalang itinigil ang tubig para sa irigasyon. Kung may desalination plant ang bansa, hindi na problema ang tubig para irigasyon, pati na rin para inumin. Pinaliligiran tayo ng karagatan. Sayang naman kung hindi magagamit, hindi ba? Ganundin, alam kong mahal ang teknolohiya. Pero kailan pa iisipin iyan? Kapag mas lalong mahal na?
Ito ang mga kailangang pag-aralan na teknolohiya, para sa tinatawag na renewable o sustainable energy at resources. Libre ang araw, libre ang tubig-dagat. Kailangan lang ng tamang teknolohiya para mapakinabangan ang mga biyayang ito, kung saan mayaman ang Pilipinas.