General Albano

NOONG Linggo ng madaling araw, pupungas-pungas na nagtungo si Supt. Dennis de Leon sa apat na lugar ng kung saan nakabulagta ang limang katao na wala ng buhay. Halatang nasorpresa siya sa pangyayari dahil blangko ang kanyang mga bataan sa pangyayari. Nasaan kaya ang kanyang mga tauhan ng  sumalakay ang riding-in-tandem na walang patumanggang namaril ng nakukursunadahang tao sa kalye? Napagod kaya sa pagpapatrulya sa maghapon kung kaya walang patrol cars  ng pulisya sa kalye ng maganap ang pamamaril o baka naman nag-happy go lucky ang lahat ng bataan ni De Leon sa araw ng Linggo? Hehehe!  Iyan ang dapat na pakakatutukan ni Quezon City Police District director CSupt. Richard Albano ngayon dahil kung walang mananagot sa kanyang mga opisyales tiyak na masusundan pa ito sa darating na mga gabi. Di ba mga suki! Ayon kasi sa aking mga nakausap na mga witnesses, nagpakarga pa umano ang dalawang salarin ng kanilang motorsiklo sa may Shell station South bound ng  Commonwealth Avenue, nakasuot umano ng kulay itim na jacket ang dalawa at matapos makapagkarga ng gasoline ay nag-u-turn ito patungo ng North Bound lanes. Sa katapat ng Shell Station unang pinutukan ng dalawa ang isang rider na nakilalang si Rodelio Dela Cruz, nang bumagsak ay binabaan pa ng isang salarin ang biktima upang tiyakin na patay. Makalipas ang ilang minuto may isang putok na naman narinig na sa pagtaya ng aking kausap na  200 metro lamang ang layo sa unang pinangyarihan, patay din ang negosyanteng si Alodia Grace Go sa kanto ng Regalado Avenue corner Fairmont Subdivision. Agad na kumaripas ang mga salarin na parang walang nangyari at makalipas uli ang may 75 meters muli na naman pinutukan ang magka-angkas na nakilalang Gilmer Gabronino at Angeli Augis na nadaganan pa ng kanilang motor. Sa ganitong eksena ng pamamaril ang ipinagtataka ng aking mga kausap kung bakit ng mga oras na iyon ay walang police man lamang nagpapatrulya, dati naman la-ging may patrol cars doon na nagrerekoreda lalo sa gabi. Sa tatlong lugar ng krimen pawang mga 9mm na empty shells ang narekober ng mga imbestigador, patunay ito na iisa lamang ang may kagagawan ng krimen. Nasaan ang iyong mga tauhan Col. De Leon ng maganap ang pamamaril? Pag-iimbestiga na naman ba ang dapat nyong gagawin ngayon? Ang dapat sigurong gawin ni Albano ay balasahin niya ang kanyang mga tauhan ng di na muling mangyari ang kinakatakutan ng taga North Fairview. Di ba mga suki! Maging ang isang basurero ay hindi pinaligtas ng mga salarin. Malinaw na nag-trip lamang ang mga ito matapos makalanghap ng ipinagbabawal na droga. Kaya Gen. Albano sir, kilos na at baka maapektuhan pa ang iyong kredibilidad at mapulaan kang over staying na sa iyong puwesto sa QCPD! Abangan!

 

Show comments