Immigration officer halatang walang masusing training
WALANG maikakatwiran ang Immigration officer na nanampal, nanulak, at nambatok sa Chinese suspected illegal alien sa international airport. Maski naninigaw, namamalo, at nanghahablot ang subject, mali ang iginawi ng officer, na nakunan sa CCTV.
Halatang nawalan ng pasensiya at naturalesa ang officer -- bagay na hindi dapat nangyari. Bistado na kulang siya sa pagsasanay. Delikado ito, dahil frontline law enforcers ang mga taga-Immigration. Hindi lang sila taga-sala ng mga dayuhang pumapasok sa bansa, kundi taga-spot din ng human traffickers at mga biktima. Kaya nga ba matagal ko nang binabatikos ang mga abusadong Immigration officers, na basta na lang nagbabawal sa pag-alis ng mga kababayang losyang manamit, promdi magsalita, maitim ang kutis, sarat ang ilong, o mali-mali ang sagot sa mga tanong.
Kapag sapat ang training, buo rin ang loob. Alam ito ng sinumang nag-aral ng martial arts. Dahil alam niya ang kakaibang lakas at alam niya, maingat ang martial artist sa paggamit nito. Dahil ensayado siya, kumpiyansa siya sa sarili. Wala nu’n ang Immigration officer. Hindi siya indoctrinated sa pagrespeto sa human rights. Nam-bully siya ng detainee dahil mangmang sa basic self-defense para sa law enforcers. Hindi siya inarmasan ng pamunuan ng Immigration ng posas, o pito man lang. Wala silang S-O-P para sa mabilis na pagresponde ng mga kasamahan kung sakaling ginagapi ng suspek. Palpak ang Immigration Bureau.
Kasing-palpak ang mga abusado at walang kumpiyansa sa sarili sa iba pang law enforcement units: NBI, PNP, AFP, Coast Guard, Customs police, Bureaus of Prisons at Jail Management, at barangay tanod. Kailangan nila ang training bilang indibidwal at grupo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest