Category 1 muli

MAGANDANG balita ang natanggap ng bansa kaha­pon. Galing mismo sa Ambassador ng Amerika na nila­gay sa kanyang Twitter account, nakuha muli ng bansa ang Category 1 Safety Rating mula sa Federal Aviation Agency(FAA). Ang ibig sabihin, sumusunod ang Civil Aviation Authority of the Philippines(CAAP) sa mga alituntunin hinggil sa ligtas na operasyon ng ating mga pampasaherong eroplano. Puwede nang magkaroon ng karagdagang mga lipad sa Amerika, lalo na sa ibang mga destinasyon tulad ng New York at Chicago. Makakalipad na rin sa Amerika ang ibang kumpanya.

Malaking tulong ito sa Pilipinas dahil magkakaroon ng kampante sa kaligtasan ng ating mga eroplano. Uunlad ang turismo at maaari nang gumamit ng mga magandang eroplano. At dahil mapapansin din ito ng mga bansa sa Europe, dadami na rin ang mga lipad patungo roon. Noon ay umaasa lamang tayo sa ibang kumpanya para makarating sa Amerika at Europe. Ngayon, sariling atin na ang maglilingkod.

Sa kabila ng misteryo ng Malaysian flight MH370 na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita, mabuting balita ito para sa industriya ng aviation ng bansa. Magagaling ang ating mga piloto at maganda ang pag-alaga natin sa mga eroplano. Sayang naman kung limitado ang mga destinasyon na puwedeng puntahan. Hindi na maglilipat ng eroplano para makarating sa isang destinasyon. Kumportable ang pasahero at hindi naaabala. Tunay na magandang balita para sa lahat.

Ngayong okay na ang industriya ng aviation, sana ang MRT/LRT naman ang malutas na ang mga problema. Ayon sa DOTC, baka sa 2016 pa magkaroon ng mga ba­­gong tren ang MRT, kaya magpapatuloy ang mga kasalukuyang problema nito. Sana mapabilis ang mga solusyon, at hindi talaga pwedeng mawala ang MRT. Lalo na’t maraming ginagawa rin ang MMDA sa EDSA. Puro problema ng nakaraang administrasyon pa ang lumulutang. Mabuti na lang at unti-unting naaayos, kahit may mga kontrobersiyang bumabagabag pa rin sa ilang proyekto.

 

Show comments