HINDI raw tatagal ng limang taon ang NPA. Ito ang pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista. Mawawalan na raw ng kabuluhan ang NPA sa mga darating na panahon. Tila hindi na nga dumadami ang kanilang bilang, at marami na rin ang sumusuko. Nagiging mga bandido, tulisan at kriminal na lang ang NPA. Kailan lang, 72 rebelde ang sumuko sa Bukidnon, na nataon naman sa paghuli sa mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria, mga pinuno ng Communist Party of the Philippines. Kabilang sa mga sumuko ay mga menor-de-edad.
Pero matapang pa rin ang mga pananalita ni Joma Sison, ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na nasa Utrecht, The Netherlands. Nagbabala na ang paghuli sa dalawang pinuno ay peligroso para sa ginagawang usapang pangkapayapaan sa pagitan nila at ng gobyerno. Ilang taon na rin nag-uusap ang dalawang panig, pero wala namang nararating na kasunduan. Sinisisi pa ni Sison ang administrasyong Aquino sa pagtigil ng usapang kapayapaan. May babala rin na lalakas sa 25,000 mandirigma ang NPA sa mga darating na panahon.
Ayon naman sa Palasyo, nasa kamay na ng CPP kung talagang gusto nila ng kapayapaan. Katulad ng MILF na handang makipag-usap, handang ibaba ang kanilang mga armas kung kakailanganin para makamit ang kapayapaan. Ang mahirap nga sa NPA, tila mga kriminal na at hindi naman ideolohiya ang ipinaglaÂlaban, kundi pera na lang. Kung magkaroon ng kaÂpayapaan, mawawalan sila ng “hanapbuhayâ€, ika nga.
Panahon na para sa kapayapaan. Nagkaroon na ng makasaysayang lagdaan sa pagitan ng MILF at gobyerno. Kailangan makita iyan ng CPP. Wala na talagang lugar ang rebelyon sa bansa, lalo na para sa NPA, ang pinakamatagal na insureksyon sa Asya. Lumalabas lang silang mga kriminal sa kanilang mga aktibidad. Wala na silang makuhang suporta, kaya nananakot na. Kung hindi nila seseryosohin ang kapayapaan, baka maubos na lang sila nang tuluyan, sa pagsuko ng kanilang mga tauhan, o pakikipagsapalaran sa gobyerno. Lalo na’t pati mga Muslim ay tila nakabangga na rin nila ngayon.