EWAN ko lang kung naapektuhan ang tabakuhan ni Alejandro Tan sa ipinaiiral na truck ban ni Mayor Joseph Estrada o baka naman nalason lamang ito sa tinunggang alak kaya ang napagdiskitahan ng galit ay ang mga drayber, ahente ng diyaryo at sekyu ng Star Group of Publication noong Linggo ng gabi (Pebrero 6).
Ayon sa sumbong na ipinarating sa akin, halos maihi sa pantalon ang mga drayber, ahente, security guard at mga nag-iinsert ng diyaryo nang dumating si Tan dakong alas 12:50 ng madaling araw sa bisinidad ng Star Group of Publication sa may kahabaan ng Roberto Oca Street, Port Area, Manila. Hinambalang umano ni Tan ang minamanehong kulay puting Mitsubishi Adventure na walang plaka sa gitna ng naturang kalye at agad bumaba sabay ang pagmumura sa mga drayber ng mga sasakyan na nagkakarga ng diyaryo.
Super bangis umano ang dating ni Tan sa mga nahihintakutang mga ahente at empleyado ng SGP dahil may alalay pa itong dalawang nakasibilyan na may mga baril. Hindi pa ito nakuntento sa pandadarag at pangha-harass, tumawag pa ito ng back-up na 12 security guards ng Lockheed Security Agency na armado rin ng mga shotgun at 9mm. Mistulang makikipag-gyera si Tan sa mga nasindak niyang mga kaharap.
Dito na pumasok sa eksena ang chief security guard ng SGP na si Dennis Beltran at mapayapa siyang kinausap, subalit hindi pa natutunaw ang alak na tinungga nitong si Tan kung kaya lalo lamang itong nag-alburuto sa galit at ang pinagdiskitahan na naman nito ay ang mga sasakyan na nakaparada at nagkakarga ng dyaryo. “Alisin n’yo ‘yang mga truck dahil kung hindi ninyo aalisin susunugin ko yan,†ito umano ang palahaw ni Tan sa harap ni Beltran at mga ahente.
Kaya upang mahinuha ang galit nitong si Tan ay pinaalis na lamang ni Beltran ang lahat ng truck na naging dahilan ng pagka-delay ng delivery at dispatching ng diyaryo. Wow nakabibilib naman itong katapangan ni Tan, di ba mga suki! Ang masakit mukhang personal na interes lamang ni Tan itong pagmamatapang sa mga taga SGP dahil bukod sa lasing siya naka-short pants pa.
Ano ba yan, Port District Manager Engr. Constante Farinas Jr., Sir! Dapat pa bang manatili sa bakuran mo itong si Tan na ni sarili niya hindi niya binigyan ng respeto dahil naturingan siyang tagapagpatupad ng batas sa loob ng Philippine Port Authority. At kung legal man ang kanyang pakay dapat lamang na maging mahinahon siya sa kanyang pananalita dahil ang kanyang mga binuskahan ay hindi naman mga kriminal o kutong lupa lamang. Mga lehitimong tax payer sila na nagpapatulo ng pawis upang maitaguyod nang matiwasay ang pamumuhay. Abangan!