Bangsamoro pact lalagdaan bukas

ANG kasunduan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay lalagdaan na bukas, Marso 27. Ito ang Bangsamoro Peace Agreement na lalagdaan sa Malacanang. Kontrobersyal pero marami ang umaasa sa mga positibong pagbabagong kabuntot nito. Ito ang inaasam ng mga kababayan nating Kristiyano at Muslim na inip nang makita ang kaunlaran ng rehiyon.

Maganda ang pananaw ni Eid Kabalu, opisyal ng Bangsamoro sa magiging kinabukasan ng rehiyon kapag nalagdaan ang kasunduan. Sabi niya, ito ang magiging “bagong simula” para sa Mindanao.

Malaking bahagi ng rehiyon ang nagdarahop kaya nag-aalsa ang mga tao.

Isa raw sa mga layunin ng kasunduan ay hanguin ang Mindanao mula sa pagiging lugar ng karahasan at gawing lugar ng kaunlarang pangkabuhayan. Iyan ang inaasahan ng magkabilang panig: Pamahalaan at Bangsamoro. Hindi naman malayong umunlad ang Mindanao lalu pa’t sagana sa likas na kayamanan.

Sa ganyang paraan ay umaasa na maraming local at dayuhang negosyante ang mamumuhunan sa rehiyon.  Harinawang magtagumpay ito dahil panahon pa ni Presidente Ramos noong 1996 ay niluluto na ang konseptong iyan. Wika nga dumaan sa masalimuot na mga negosasyon.

Sabi nga ni Mohagher Iqbal, chairman ng Bangsamoro peace panel “long overdue” na ang kasunduan dahil malaon nang inaasam ng mga Kristiyano at Muslim sa rehiyon ang tunay at pangmatagalang kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao. Sabi ni Igbal “It will be a radical transformation of Mindanao with its vast natural  resources that will be open to local and foreign investors,”  Kung talagang matatamo ang kapayapaan na noong araw ay mailap sa Mindanao, talaga namang makaseseguro tayo na abot-kamay na ang inaasam na kaunlarang ito.

Sa mga nakaraang pagdalaw sa ibang bansa ng Pangulong Noynoy, lagi siyang nagaanyaya sa mga investors na mamuhunan sa Mindanao. Palagay sa pamamagitan ng kasunduang ito’y walang pasubaling ma-eengganyo ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa ating bansa.

Show comments