EDITORYAL - Isabuhay ang napag-aralan

HINDI isinalba ni President Noynoy Aquino si Cadet Aldrin Jeff Cudia sa kabila na marami ang umapela na payagan siyang maka-graduate sa Philippine Military Academy (PMA). Umabot hanggang Facebook ang kaso ni Cudia makaraang i-post ng kanyang kapatid na babae. Subalit sa kabila ng pakiusap at mga kahilingan, hindi rin pinayagan si Cudia. Ga-graduate sana si Cudia na pangtatlo sa Siklab Diwa Class of 2014. Ginanap ang graduation noong Linggo at si President Aquino ang nag-abot ng diploma sa 222 kadete.

Siyam na oras makalipas ang graduation, umalis­ na rin si Cudia sa PMA. Ayon sa report, 10:00 ng gabi nang sunduin si Cudia ng kanyang mga kamag-anak at ng isang abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO). Umuwi na ito sa kanilang bayan sa Arayat, Pampanga. Hindi naman­ sinabi kung ipagpapatuloy pa nito ang apela sa pagpapatalsik sa kanya sa PMA pero ang payo umano ni P-Noy, umapela ito kay AFP Chief of Staff Emmanuel Bautista.

Si Cudia, 22, ay dinismis dahil sa paglabag sa Honor Code. Napatunayan ng Honor Committee na nagsinungaling si Cudia nang ma-late ito nang dalawang minuto sa klase. Ayon sa report, sinabi umanong dahilan ni Cudia kaya na-late ay dahil mayroon siyang hinintay na propesor bagay na hindi pinaniwalaan ng Committee. Pinarusahan umano si Cudia dahil sa nagawang kasalanan sa pamamagitan ng ilang oras na pagmamartsa sa PMA ground.

Nakasaad sa Honor Code na ang kadete ay “hindi­ magsisinungaling, mandaraya, magnanakaw at hindi ito-tolerate ang sinumang kadete na gagawa ng mga ito”. Ipinakita ng PMA na ang batas ay batas at ipapataw ito sa sinumang nagka­sala. Maipagkakapuri ang ganitong pagsunod sa Honor Code. Sana naman tumatak sa mga kadete ang Honor Code at isabuhay nila sa paglabas sa PMA. Hindi sana magsinungaling, mandaya at magnakaw gaya ng mga general na naakusahan at ngayo’y nasa piitan. Imulat pa nang todo ang mga kadete sa ipinaiiral na Honor Code.

Show comments