Napoles, sampal sa bawat Pinoy
KUNG totoong P150-libo ang ginagastos ng pamahalaan sa detention at seguridad ni Janet Lim Napoles sa Fort Sto. Domingo, ito’y matinding insulto sa bawat Pilipino. Habang kandakuba tayo sa pagbabayad ng buwis, ang bahagi ng ating ibinabayad ay ginagamit sa taong sinasabing lumustay sa tinatayang P10 milyong pork barrel na galing din naman sa atin.
Mistulang na-double whammy tayo!
Kung tutuusin, hindi pa naman ang kasong plunder ang kinakaharap niya ngayon kundi ang serious illegal detention na ginawa umano niya sa pork whistleblower na si Benhur Luy. Ordinaryong krimen na non-bailable daw, eh di ipasok na si Napoles sa ordinaryong kulungan.
Tuwing bibiyahe papuntang korte si Napoles, mistula siyang Presidente ng Pilipinas na may convoy. May kasama pang decoy para lansihin ang sino mang may balak na gawan siya ng masama. Kung susumahin, lalabas na halos P2 milyon bawat taon ang ginagastos mula sa kaban ng bayan para lamang sa seguridad at patuloy na pagkanlong kay Napoles sa Fort Sto. Domingo.
Alam ko naman na kahit bigyan pa ng special treatment ang bilanggo, isa pa rin siyang preso sa mata ng lipunan at ito’y masakit. Ngunit higit na masakit sa taumbayang biktima ng pork barrel scam na ang bumiktima sa kanila ay pinagkakagastahan pa nang ganyang halaga na hindi naman ibinibigay sa ibang bilanggo. Kaya pabor ako na ipiit si Napoles sa ordinaryong piitan.
Para kay Senator Miriam Defensor-Santiago, kung kailangang manatili si Napoles sa Fort Bonifacio, magbayad na lamang ito ng rentang P150,000 katumbas ng halagang ginagastos sa kanya ng gobyerno buwan-buwan. Kung hindi siya papayag ay ipiit na siya sa ordinaryong kulungan gaya ng ordinaryong bilanggo ani Miriam.
Katuwiran ng pamahalaan na mahalaga ang ano mang ibubunyag ni Napoles sa ikalulutas ng pork barrel scam kaya siya binibigyan ng ganoong espesyal na pagtrato. Pero hangga ngayon ay wala tayong nakikitang indikasyon na gagawin ni Napoles ito.
Kung ako ang tatanungin huwag na siyang bigyan ng option na umupa ng board and lodging at seguridad. Ilagak na siya sa ordinaryong karsel, period.
- Latest