Mr. Taho-ichi Jr.
MAY naging kaibigan ako noong araw na nagtitinda ng taho sa aming subdivision sa Las Piñas. Siya si Tony Agustin. Mula 1969 ay nagtitinda siya ng taho hanggang tumigil noong 1994 dahil sa stroke. Estudyante pa lang ako noon sa San Beda College of Law, nang una kong mabilhan ng taho si Tony. Paminsan-minsan, pabirong tinatawag ko noon si Tony na “Mr. Taho-ichiâ€.
Yumao si Tony noong 2009, bagay na ikinalungkot ng mga suki niya sa village. Pero hindi naman naulila nang husto ang mga suki ni Tony tulad ko dahil ang pumalit sa kanya sa paglalako ng taho mula noong 1997 ay ang anak niyang si Larry. Ngayon ako ay lolo na at maliban sa akin, at mga anak, ang mga suki ni Larry sa pamamahay ko ay ang aking mga apo.
May dalawang anak si Larry at maybahay niyang si Lenie --- sina Jayvee, 11 at Larnie, 5. Masipag si Larry tulad ng kanyang ama. Kaya kahit papaano umaabot din ng P5,000 bawat buwan ang kinikita niya. Pero sana ay lumaki-laki pa ang kinikita niya para naman makapag-ipon siya para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Kaya sa kapwa ko villagers na makakabasa nito, huwag po kayong mag-atubiling bumili ng taho kay Larry. Maliban sa masarap at masustansiya ang taho ni Larry, nakakatulong pa tayo sa kanya at kanyang pamilya. Marangal ang hanapbuhay ni Larry na minana pa niya sa kanyang amang si Tony.
Ang mga ganitong mararangal na hanapbuhay ang dapat nating tinatangkilik. Marangal na mamamayan si Mr. Taho-ichi Jr. Mabuhay siya at buong pamilya.
- Latest